Oil firms pinagpapaliwanag sa kulang na bawas-presyo sa langis

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 05:20 PM | Updated as of Oct 01 2019 07:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinagpapaliwanag ng Department of Energy (DOE) ang mga kompanya ng langis kung bakit kulang umano ang ipinatupad na bawas-presyo sa petrolyo ngayong linggo.

Naghahanda na rin ang DOE na pagpaliwanagin ang mga kompanyang nagbebenta ng liquefied petroleum gas(LPG) dahil sa anila'y malaking taas-presyo.

Pinadalhan ngayong Martes ng DOE ng show-cause order ang mga kompanya ng langis para ipaliwanag hanggang Biyernes kung bakit maliit ang kanilang mga bawas-presyo.

Nasa P1.45 hanggang P1.55 na bawas-presyo sa kada litro ng gasolina at P0.50 hanggang P0.60 na bawas-presyo sa kada litro ng diesel ang ipinatupad ng mga oil firm ngayong Martes.

Kulang daw ito ng P0.16 ang bawas-presyo sa kada litro ng diesel at P0.07 sa kada litro ng gasolina, ayon sa DOE.

Hindi pa nagbibigay ng reaksiyon ang malalaking kompanya ng langis.

Pero ayon kay Fernando Martinez, pangulo ng Independent Philippine Petroleum Companies Association, "deregulated" ang industriya at malaki ang diperensiya ng presyo sa mga gasolinahan para makapili ang mga motorista.

Ayon pa kay Energy Assistant Secretary Bodie Pulido, naghahanda na rin sila ng show-cause order para sa mga kompanya ng LPG.

Mas mataas daw kasi ng P0.22 ang ipinatupad na taas-presyo sa LPG ngayong Martes.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.