LPG price hike, makaaapekto sa presyo ng paninda sa karinderya at panaderya

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2017 06:08 PM | Updated as of Oct 01 2017 08:34 PM

Ramdam ng ilang konsyumer ang bigat sa bulsa ng malakihang pagtaas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) ngayong Oktubre.

Halos P5 ang itinaas sa presyo ng bawat kilo ng Petron LPG, o katumbas ng mahigit P50 kada 11 kilong regular na tangke.

Tumaas naman ng P4 kada kilo ang pesyo ng Regasco LPG o katumbas ng P44 kada tangke.

Ayon kay Maryrose Apan, may-ari ng isang karinderya, tiyak na tataas din ang presyo ng kanilang panindang ulam kasabay ng LPG price hike.

Mag-aalok na lang daw sila ng kalahating order ng ulam para hindi mabawasan ang kanilang benta dahil batid nilang naka-budget din ang panggastos ng kanilang customers.

Hindi rin malayong magtaas ang presyo ng panindang tinapay ng mga panaderyang LPG ang gamit.

Ayon din sa isang ginang na si Herminia Funclara, tiyak na maaapektuhan ang kaniyang pang-araw-araw na budget sa pagtaas ng presyo ng LPG na gamit niya sa pagluluto ng pagkain ng pamilya.

Maging ang taxi driver na si Raymundo Capindo, nagrereklamo dahil tumaas din ng P2.75 kada kilo ang presyo ng auto LPG na gamit ng kaniyang ipinapasadang taxi.

Aniya, halos P300 na nga lang ang kinikita niya kada araw, pihadong mababawasan pa ito sa pagtaas ng presyo ng LPG.

Nagbabadyang tumaas din ang presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo.

Maglalaro sa P0.30 hanggang P0.40 ang taas-presyo kada litro ng diesel; P0.50 hanggang P0.60 kada litro naman ang dagdag-presyo sa kerosene, habang P0.20 hanggang P0.30 kada litro ang maaaring madagdag sa presyo ng gasolina.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.