PatrolPH

Deadline sa pagbabayad ng water bills noong Agosto pinalawig ng isang buwan

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2020 05:03 PM

Inutay-utay na ni Mary Grace Glorioso ang pagbabayad ng bill sa tubig mula Marso hanggang Agosto.

Ayon kay Glorioso, bayad na ang kanilang bill para sa Marso hanggang Mayo pero ang Hunyo hanggang Agosto ay may P10,000 pang hindi nababayaran.

"Kaunting panahon pa naman po sana dahil COVID pa naman ngayon. Kasi skeletal pa po 'yong ibang nagtatrabaho. Sana maunawaan ng gobyerno 'yon," ani Glorioso.

Pero ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office, may palugit na isang buwan sa pagbabayad ng bill mula Agosto 4 hanggang 18.

Alinsunod umano ito sa Bayanihan to Recover As One Act o Bayanihan 2.

Puwede pa umanong hati-hatiin o staggered sa 3 buwan para sa mga residential, maliliit na negosyo, at kooperatiba.

Ngayong Miyerkoles naman ang deadline ng mga bill mula Marso hanggang Hulyo. Simula Huwebes, puwede na umanong maglabas ng disconnection notice ang mga water concessionaire pero may 15 days pa ang konsumer para magbayad.

"Ang option ng consumers ay pupunta sila sa 2 concessionaires at humingi ng payment extension. Magbabayad lang po sila ng certain percentage, mag-issue po sila ng promissory note at may payment scheme po silang papasukan," ani MWSS chief regulator Patrick Ty.

Susunod ang Manila Water pero may kuwestiyon pa sila sa paghahati-hati ng bayad ng August bill pagkatapos ng grace period na 30 days.

Umapela naman ang Maynilad sa kanilang customers na pumirma na lang ng promissory notes at huwag nang paabutin sa disconnection notice.

"Hinihikayat po namin 'yong aming customers na umugnay na sa aming opisina sapagkat ayaw naming magputol," ani Maynilad Spokesperson Zmel Grabillo.

Samantala, kahit binawasan ng 2 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig galing Angat Dam, wala pa itong epekto sa supply ng tubig ng Maynilad at Manila Water sa lahat ng kostumer.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.