PatrolPH

Mga pang-Noche Buena posibleng 'mas magmahal' ngayong taon: DTI

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 07:48 PM

Watch more on iWantTFC

Nangangamba ang mga konsumer at manufacturer ng Noche Buena items sa nagbabadyang pagtaas ng presyo ng mga raw material sa papalapit na Kapaskuhan. 

Kasunod ito ng pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na posibleng mas maging mataas ang presyo ng Noche Buena products ngayong taon kumpara noong 2017. 

Anila, kadalasa’y nagtataas nang 3 hanggang 5 porsiyento ang mga ito tuwing Kapaskuhan ngunit sisikapin daw nilang hindi ito lumagpas nang 10 porsiyento.

“Like ham, cheese, 'yung mga ibang Noche Buena products na February, March pa lang pine-prepare na. So 'yung raw materials nito as early as February nandiyan na. So 'yung presyo ng February 'yan na 'yung [computation dapat sa] presyo," ani DTI undersecretary Ruth Castelo.

Ayon naman sa grupo ng manufacturers, kahit na kadalasang nagtataas ng presyo ang mga raw material kapag Kapaskuhan ay sisikapin anilang huwag ito maging labis. 

"Sinisikap ng mga miyembro namin na huwag magtaas sana pero traditionally kasi tumataas ang mga presyo ng raw materials," 
ani Philippine Chamber of Food Manufacturers Inc. (PCFMI) corporate secretary Luis Enrico Salvador. 

Hinikayat naman ng DTI ang mga konsumer na maging alisto sa mga negosyanteng nag-ooverpricing at idulog agad ito sa kanilang hotline na 1-DTI (1-384) para sa mga reklamo o katanungan. 

—Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.