PatrolPH

Ilang pangunahing bilihin na 'di sakop ng SRP, tuloy ang taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2023 04:54 PM | Updated as of Sep 26 2023 07:14 PM

Watch more News on iWantTFC

Sa kabila ng apela ng gobyerno na itigil muna ang dagdag-presyo, tuloy ang pagsipa ng presyo ng ilang pangunahing bilihin na hindi sakop ng suggested retail price (SRP).

Kasama rito ang isang brand ng sardinas na nag-abisong magtataas ng presyo nang hanggang 3 porsiyento habang 4 hanggang 5 porsiyento naman sa tuna products.

Base sa monitoring ng supermarket owners, bagaman bumagal, tuloy-tuloy ang pagmahal ng bilihin. Hindi anila ito dapat pigilan.

You cannot control and force companies to do this or that because may pinapakain [ang mga] tauhan, pamilya ng mga tauhan, buwis na binabayaran, kuryenteng kailangan bayaran," ani Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua.

Nakiusap kasi ang Department of Trade and Industry (DTI) sa manufacturers na huwag munang magtaas-presyo hanggang dulo ng taon, pero wala pang desisyon dito ang mga gumagawa ng de-latang karne at sardinas.

Sakali mang magtaas, kakayanin pa rin umano ito ng mga konsumer

"Sa nakita namin, kinaya naman nila e. Bumebenta pa naman kami sa presyong 'yon before the SRP was rolled back," ani Canned Sardines Association of the Philippines Executive Director Francisco Buencamino.

Sakaling hindi umano gumalaw ang presyo ng mga pangunahing bilihin na may SRP, puwede rin itong bawiin ng mga manufacturer sa mga mas mahal na variant na walang SRP o pareho pa rin ang presyo pero liliit ang size ng produkto.

Hindi pa umano napapansin ng ibang konsumer na lumiit ang produkto dahil sa paghahanap ng murang presyo.

"Kung paborito mo siyang brand or ng pamilya mo, you can still taste it or afford that brand na mas maliit, kasya pa rin ang pangangailangan sa basket," ani Cua.

Para naman sa DTI, ang mahalaga ay may choice ang mga konsumer dahil tiyak namang may maiiwang murang variant.

"'Yong responsibilidad ng DTI is to strike a balance in between and for the consumers naman to make sure na kahit papaano ay afforable pa rin at mayroon pa rin silang access sa afforable goods," ani Trade Undersecretary Kim Bernardo-Lokin.

Pinaplantsa na rin ng DTI ang mga tulong sa mga negosyante kaugnay sa logistics at taripa ng mga sangkap sa paggawa ng produkto.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.