'Big-time' taas-presyo sa LPG sasalubong sa pagpasok ng Oktubre

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 04:08 PM | Updated as of Sep 25 2019 09:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Kasunod ng big-time oil price hike nitong linggo, may nagbabadya ring malakihang dagdag-presyo sa liquefied petroleum gas (LPG) simula Oktubre 1. 

Ayon sa mga taga-industriya, apektado rin kasi ang presyo ng LPG sa nangyaring pagbomba ng mga oil facility sa Saudi Arabia. 

Umabot umano sa P5 kada kilo ang iminahal ng presyo ng LPG sa world market, ayon kay Jun Golingay, presidente ng LPG importer na South Pacific Inc. 

Tantiya niya na maglalaro sa P4 hanggang P5 kada kilo ang magiging dagdag-presyo sa LPG pagpasok ng Oktubre - na katumbas ng P44 hanggang P55 sa kada regular na tangke. 

Napako lang ang presyo ng LPG noong Agosto at Setyembre. 

Sa ngayon, naglalaro sa P550 hanggang P695 ang kada 11 kilong tangke ng LPG. 

Pero pagdating ng Oktubre 1, maaaring umabot sa P750 ang presyo ng LPG kung magiging P5 kada kilo ang dagdag-presyo nito. 

Dahil dito, nagpayo na ang Department of Energy na bumili ng mga tangke bago matapos ang Setyembre. 

"Mas magandang makabili na sila early on kasi ang maganda ngayon dahil monthly nga ang ating adjustment, sigurado sila na ang mabibili nila ngayong month ay 'yung presyo pa rin ngayong month," ani Rino Abad, direktor ng DOE Oil Industry Management Bureau (OIMB) —Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.