Goodbye, ENDO? Security of tenure bill, sinertipikahang 'urgent' ng Palasyo

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 12:30 PM

Gustong pabilisin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsasabatas ang panukalang security of tenure bill at sertipikahang urgent ang panukala noong Setyembre 21.

Sa isang liham ng Pangulo kay Senate President Vicente "Tito" Sotto III na naisapubliko nitong Martes, sinabi nito na dapat nang maipasa ang batas para matigil na ang ENDO o ang "end of contract" scheme. 

"[I] hereby certify to the necessity of the immediate enactment of Senate Bill 1826...in order to strengthen workers’ security of tenure by prohibiting the prevalent practices of contractualization and labor-only contracting which continue to immerse our workers in a quagmire of poverty and underemployment,” ani Duterte sa sulat.

Sa ilalim ng ENDO, hindi ganap na nagiging regular na empleyado ang mga manggagawa dahil tinatanggal na ang mga ito bago pa umabot ng anim na buwan sa kompanya. 

Ang iba, nire-renew ang kontrata kada limang buwan upang maiwasan ng mga emloyer ang magbigay ng buong benepisyo kapag umabot na nang anim na buwan ang manggagawa at naging regular. 

Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva, chairperson ng Senate committee on labor, employment and human resources development, na malaki ang maitutulong ng pagsama sa panukala sa priority measures ng administrasyon. 

Kabilang sa mga nilalaman ng panukalang batas ay ang mga sumusunod na probisyon:

•Pag-classify sa mga empleyado bilang regular at probationary
•Paglilimita sa job contracting sa specialized services lamang
•Paglilinaw sa standards ng probationary employment 
•Pagbuo ng transition support program para sa mga empleyado

Kapag naipasa ito, inaasahan ng pamahalaan na magtatapos na ang ENDO at labor-only contracting.

Pero noong Enero ay nauna nang tinutulan ng Makabayan Bloc sa Kamara ang naturang bill dahil ayon sa kanila, pinapayagan pa rin dito ang ilang uri ng contractualization.

"The seven Makabayan Bloc members rejected the bill because it still allowed in essence, some form of contractualization, contrary to the demands of the workers and unions," pahayag ni Bayan Muna Rep. Zarate noong Enero.

(Tutol ang pitong miyembro ng Makabayan bloc sa security of tenure bill dahil tila pinapayagan pa rin dito ang ilang anyo ng kontraktuwalisasyon, taliwas sa hiling ng mga manggagawa at unyon.)

Enero 2018 nang makalusot sa Kamara ang naturang panukala at ngayon ay nakabinbin pa rin sa Senado. 

—May ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.