Dagdag-pasahe hiling ng ilang tsuper dahil sa 'big-time' oil price hike

ABS-CBN News

Posted at Sep 24 2019 04:32 PM

MAYNILA - Humihingi ng dagdag-pasahe ang ilang tsuper ng jeep kasunod ng malakihang oil price hike na umarangkada nitong Martes.

Umabot sa P2.35 kada litro ang dagdag sa gasolina, P1.80 kada litro sa diesel at P1.75 kada litro sa kerosene - na isinisisi sa pagpapasabog sa oil facilities ng Saudi Arabia.

Tuloy-tuloy ang naging pagdating ng mga jeepney at taxi sa isang gasolinahan sa Quezon Avenue para magpakarga bago ipataw ang taas-presyo.

Nanawagan ang jeepney driver na si Lito Nesio na dagdagan ang pamasahe sa jeep.

Para kay Vince Nunud, dapat magkaroon ng P15 pasahe dahil "wala nang matitira sa amin."

Gusto naman ng taxi driver na si Joemar Alejandre na habaan ang kaniyang pamamasada para makabawi sa kita.

"Halos P3 ang dagdag sa gasolina, kakailanganin ko nang maagang pumasada para lang maraming kitain," ani Alejandre.

Kinuwestiyon ni Renato Reyes, secretary general ng BAYAN, ang taas-presyo na umano'y "hindi makatarungan."

May 30-day inventory aniya ang mga oil refineries kaya sinasabing nabili na ang stocks nila, bago pa ang nangyaring pag-atake sa oil industry ng Aramco sa Saudi Arabia kaya hindi dapat apektado ang presyuhan sa Pilipinas.

Pero tantiya ng gobyerno, bababa naman daw ang presyo ng petrolyo sa Pilipinas sa susunod na linggo.

sabi pa ng gobyerno, inanunsiyo na ng Saudi Arabia na maibabalik na nila sa normal ang produksyon ng langis.

-- May ulat nina Zhander Cayabyab, Anjo Bagaoisan, at Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.