Ilan pang oil firms nag-abiso ng taas-presyo sa langis

ABS-CBN News

Posted at Sep 23 2019 12:23 PM | Updated as of Sep 23 2019 07:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Ilan pang kompanya ng langis ang nag-anunsiyo ng pagtaas sa presyo ng kanilang mga produkto, na ipatutupad sa Martes, Setyembre 24.

Nasa P2.35 ang itataas ng presyo ng kada litro ng gasolina at P1.80 sa kada litro ng diesel, ayon sa Phoenix Petroleum, Total, Caltex, PTT Philippines, Flying V, at Petron.

Tataasan din ng Caltex, Flying V, at Petron ng P1.75 ang kada litro ng kerosene.

Sa Miyerkoles, Setyembre 25, naman magpapatupad ang Cleanfuel ng P2 taas-presyo sa kada litro ng gasolina at P1.50 sa kada litro ng diesel.

Nauna nang mag-anunsiyo noong weekend ang Shell at Petro Gazz ng taas-presyo sa petrolyo.

Ang malaking taas-presyo ay resulta umano ng pagbomba sa oil facility ng Saudi Arabia.

Hindi na nakiusap ang gobyerno sa mga kompanya ng langis na gawing "staggered" o utay-utayin ang dagdag-presyo.

Mula Enero hanggang Setyembre 24, P13.59 na ang kabuuang iminahal ng kada litro ng gasolina, P8.04 sa kada litro ng diesel, at P4.77 sa kada litro ng kerosene.

Ipinatawag ngayong Lunes sa Senado ang mga opisyal ng Department of Energy para tiyaking sapat ang imbentaryo ng mga kompanya ng langis pati na ang planong pagkakaroon ng Pilipinas ng sariling reserba.

Sa tantiya ng gobyerno, bababa naman ang presyo ng petrolyo sa Pilipinas sa susunod na linggo dahil sa anunsiyo ng Saudi Arabia na maibabalik na nito sa normal ang produksiyon ng langis.

Kinumpirma rin ng mga kompanya ng langis na pababa ang presyo sa pandaigdigang merkado pero hindi sinlaki ng itataas simula Martes. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.