PatrolPH

8,000 trabaho, bakante sa industriya ng turismo

Jacque Manabat, ABS-CBN News

Posted at Sep 22 2022 03:57 PM | Updated as of Sep 22 2022 08:27 PM

Watch more News on iWantTFC

Aabot sa 8,000 bakanteng trabaho ang sinusubukang mapunan sa industriya ng turismo ngayong unti-unti nang lumuluwag ang pagbiyahe.

Nitong nakaraang 2 taon, halos 1 milyong empleyado ng tourism industry ang apektado sa pagsasara ng maraming kompanya bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ang iba sa kanila'y hindi na bumalik sa dating trabaho dahil nakahanap na ng ibang mapagkakakitaan, kaya ngayong tinatayang aabot sa 5 milyong foreign tourists ang inaasahan, nagkukumahog ang sektor na mapunan ang pagkukulang sa empleyado.

"Noong muling nagbukas ang tourism industry, isa sa challenges ay 'yong accomodations in particular. Nahirapan silang kunin ulit ang kanilang mga workers," ani Tourism Assistant Secretary Maria Rica Bueno.

"'Yong iba nakapag-work na sa ibang sektor. Mayroon din 'yong naka-setup na ng negosyo," dagdag niya.

Dahil dito, nagkasa ang Department of Tourism (DOT) ng mga job fair sa Metro Manila, Cebu at Davao.

Tatakbo ang job fair mula Setyembre 22 hanggang 24 sa SMX Convention Center sa Pasay habang Setyembre 22 hanggang 23 naman ang job fairs sa SM City Cebu at Abreeza Mall Davao.

Karamihan sa mga hinahanap na empleyado ay para sa mga hotel, restaurant, resort, casino, airport ground handling service, transport service at manpower service.

Ilan sa top vacancies ang customer service representative, language teacher, equipment operator, tour driver at conductor, at service crew.

Ayon sa DOT, magkakaroon muli ng mga job fair sa mga susunod na buwan.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.