PatrolPH

Ilang Noche Buena products nagtaas-presyo 3 buwan bago ang Pasko

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2022 02:04 PM | Updated as of Sep 21 2022 08:55 PM

Watch more News on iWantTFC

(UPDATE) Tumaas ang presyo ng ilang produktong ginagamit sa mga pagkaing pang-Noche Buena, sabi ngayong Miyerkoles ng Department of Trade and Industry (DTI), higit 3 buwan bago ang Pasko.

Sa pag-iikot ng DTI sa ilang pamilihan, nakitang nagmahal nang P5 hanggang higit P50 ang presyo ng mga Noche Buena product.

Kasama umano rito ang ilang brand ng mayonnaise, fruit cocktail, all-purpose cream, spaghetti sauce, pasta at hamon.

"Dahil hindi nga sila kontrolado, wala sila sa SRP (suggested retail price) bulletin natin, free naman ang manufacturers na magtaas ng presyo dahil rin sa pagtaas ng raw materials at production nila," ani Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Dahil dito, ipinapayo umano ng DTI sa mga konsumer na mamili na nang maaga kahit pakaunti-kaunti lang dahil posibleng tumaas pa ang mga presyo.

Ayon sa DTI, puwede ring tangkilikin ang mga naka-bundle na Noche Buena gaya ng mga spaghetti set para makatipid kahit papaano.

Mayroon din umanong hirit na taas-presyo ang ilang manufacturers ng basic goods na hindi pa naaaksyunan ng DTI.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.