PatrolPH

Putulan ng kuryente at tubig, tigil muna sa mga naka-granular lockdown sa NCR

ABS-CBN News

Posted at Sep 21 2021 07:13 PM


Wala munang putulan ng linya ng kuryente at tubig sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown sa Metro Manila, ayon sa Meralco at Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Regulatory Office (MWSS-RO).

Ayon kay Meralco Chief Commercial Officer Ferdinand Geluz, hindi pa rin nagpapasya ang power distributor kung ibabalik na ang disconnection activity sa Metro Manila ngayong nasa ilalim na ito ng Alert Level 4.

Ang sigurado aniya'y walang putulan sa mga lugar na nasa ilalim ng granular lockdown.

Tiniyak din ni Geluz na hindi rin biglaan ang pagputol ng kuryente at mabibigyan ang mga konsumer ng pagkakataon na makapagbayad.

Sakaling wala agad pambayad, maaari namang dumulog ang konsumer sa mga tanggapan ng Meralco para pakiusapang utay-utayin ang pagbabayad, ayon kay Geluz.

Sa tubig naman, balik na ang disconnection activity ng Maynilad at Manila Water sa Oktubre maliban sa mga lugar na naka-granular lockdown.

Ayon kay MWSS-RO Chief Regulator Patrick Ty, sakaling wala pang pambayad, maaari ring dumulog sa water service provider para hati-hatiin ang pagbabayad.

Sakaling makatanggap ng disconnection notice, may 14 days pa umano para maghanap ng pambayad para hindi tuluyang maputulan ng linya ng tubig.

Noong Setyembre 16, inilagay ang Metro Manila sa alert level system mula enhanced community quarantine. Tatagal ang Alert Level 4 sa capital region hanggang Setyembre 30.

Mas pinaigting sa alert level system ang pagpapatupad ng mga LGU ng mga granular lockdown.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.