Presyo ng imported bigas posible pang bumaba sa P32/kilo

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2019 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bababa pa ang presyo ng imported na bigas sa mga susunod na linggo, base sa pag-iikot ng Department of Trade and Industry sa mga palengke nitong Biyernes.

Sa paglilibot ng grupo nina Trade Secretary Ramon Lopez sa mga palengke, natuklasan nilang may P33 na imported rice na ibinebenta.

Ayon sa ilang retailer, sinabihan pa daw sila ng mga supplier ng bigas na posible pang bumaba mula P34 sa P33 ang isang klase ng imported na bigas. Maaari rin daw itong bumaba sa P32 kada kilo.

Nag-ikot sina Trade Secretary Ramon Lopez sa mga palengke para tiyaking nasa P35 hanggang P37 kada kilo ang imported commercial rice.

Samantala, nasa P40 kada kilo pa ang presyo ng lokal na bigas.
Hiniling nila sa mga retailer ang resibo galing sa mga supplier para matukoy kung tama ang presyuhan ng mga negosyante.

"Kakausapin lang ho natin para ma-review sa kanila 'yung presyo nila at tsaka sources din nila,” ani Lopez.

Tingin naman ng konsumer na si Michelle Masenas na dapat nang bumaba ang presyo ng binibili niyang bigas na P50 kada kilo.

"Siyempre po ‘yung bigas primary commodity natin yan, kinakain so dapat po mas mababa para abot-kaya,” ani Masenas.

AFRICAN SWINE FEVER

Sa gitna naman ng pangamba sa African swine fever, humihingi ng tulong ang Philippine Association of Meat Processors Inc. dahil kulang ang suplay ng baboy para gawing hotdog, tocino, at hamon.

Dahil dito, umapela si Lopez sa mga lokal na pamahalaan na huwag pagbawalan ang pagbenta ng mga processed meat dahil nasuri naman na daw ang mga ito ng mga awtoridad.

"Hindi naman dapat ipagbawal yung pag-distribute nito nationwide kasi yung mga consumer natin naghahanap din ng ganyang produkto," ani Lopez.

Paliwanag niya, mas magkakaproblema sa presyo ng processed meat kung magkulang ang suplay ng baboy kaysa sa taas-presyo ng petrolyo dahil sa mga pambobomba sa Saudi.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.