PatrolPH

DTI hinikayat ang maagang paghahanda para sa Pasko

ABS-CBN News

Posted at Sep 18 2018 09:15 PM | Updated as of Sep 18 2018 11:03 PM

Hinikayat ng isang opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na magsimula nang mamili para sa mga ihahanda sa darating na Pasko dahil sa pinangangambahang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

"Bumili na sila ngayon, kung kaya nila, damihan nila, mag-stock na sila for Christmas," sabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Hindi naman daw kailangang mag-hoard o mamili nang labis. Sa halip, bumili lang umano nang paunti-unti at sasapat para sa mga handaan sa Pasko at Bagong Taon. 

Ipinapayo rin ang pagtingin nang mabuti sa expiration date ng bibilhing produkto. 

Kabilang sa mga puwede umanong i-stock na pagkain ay fruit cocktail, pasta, spaghetti, at tomato sauce na karaniwang tumatagal, at hindi masisira sa loob ng ilang taon. 

Posible kasing tumaas ang presyo ng mga bilihin sa mga supermarket sakaling magpatuloy ang pagsadsad ng halaga ng piso kontra dolyar, ayon sa grupo ng mga supermarket operator.

"Halos lahat ng produkto natin may sangkap o component na galing abroad so dollars 'yan," ani Philippine Amalgamated Supermarkets Association president Steven Cua. 

Pero hindi agad-agad ang pagtaas ng presyo dahil nananatiling nakapako ang presyo ng mga bilihin hanggang Nobyembre.

PALITAN NG PISO

Samantala, nasa P54.07 ang palitan ng piso kontra dolyar nitong Martes, bahagyang nakabawi mula sa P54.11 noong Lunes.

Kinontra naman ng Malacañang ang pahayag ng ilang analyst na babagsak pa sa P55 ang palitan ng piso sa Disyembre at P58 sa dulo ng 2019.

Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, makababawi ang piso habang papalapit ang Pasko dahil ito raw ang panahong nagpapadala ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa kanilang mga kaanak.

"We're confident that the peso will rally because this is now the season where our OFWs remit," ani Roque.

'ROLLING STORES' KONTRA TAAS-PRESYO NG BILIHIN, INILUNSAD

Samantala, inilunsad nitong Martes ng DTI ang "rolling stores" kung saan ibinebenta ang murang bigas ng National Food Authority (NFA), gulay, at karne.

Nasa P27 kada kilo ang benta sa NFA rice sa "rolling stores."

May ibenebenta rin sa "rolling stores" na mga gulay na mas mura ng P5 hanggang P10 kada kilo, at karne ng baboy at manok na mas mura ng P10 hanggang P20 kada kilo.

Nilinaw ni Trade Secretary Ramon Lopez na walang kinalaman sa bagyong Ompong ang "rolling stores." Tulong daw ito para maibsan ang epekto ng mataas na inflation o pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo.

-- Ulat nina Alvin Elchico at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.