Taas-presyo ng gulay sa ilang pamilihan, inalmahan

ABS-CBN News

Posted at Sep 16 2018 08:24 PM | Updated as of Jan 08 2020 12:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umaalma ang ilang mamimili sa biglang pagtaas ng presyo ng mga isda at gulay sa ilang pamilihan sa Metro Manila bunsod ng pananalasa ng bagyong Ompong. 

Sa Balintawak Market sa Quezon City, inireklamo ng mga mamimili ang halos pagdoble ng presyo sa mga tindahang naghahango ng gulay mula Baguio City.

"Sa mahal po, ikot lang ako nang ikot, wala naman ako mabili," anang mamimili na si Angelina Astor.

"'Yong pera kapos," sabi naman ni Willie Bailangco. 

Sa pag-iikot sa palengke, nabatid na mula sa P180 kada kilo noong Huwebes, tumaas na sa P250 ang kada kilo ng repolyo. 

Nasa P250 na rin ang kada kilo ng carrots mula sa dating P160, habang P200 naman ang petsay mula P120. 

Ang ilan namang puwesto sa Balintawak Market ay nagsara muna dahil walang maibenta gawa ng hindi nakapag-deliver ang maraming biyahero dahil sa bagyo.

Sa Mega Q-Mart sa Quezon City, may ilang puwesto ang walang bentang pagkaing dagat.

Tumaas daw kasi ng P10 ang puhunan sa mga ito gaya ng galunggong, tulingan, hasa-hasa, at pusit. 

Hindi naman nagmahal ang mga isdang tabang gaya ng tilapia at hito.

Umaasa ang mga nagtitinda at mga mamimili na maibabalik sa dati ang mga presyo ng gulay at isda kapag naging regular na ulit ang mga suplay mula sa mga lalawigan.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.