PatrolPH

Mga restaurant, salon todo-handa para sa muling pagbubukas sa Huwebes

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2021 07:37 PM

Watch more on iWantTFC

Tiis-ganda ang stylist na si Alex sa pagsusuot ng personal protective equipment (PPE). Ganoon na rin ang magiging ayos ng mga kasamahan niya sa salon kapag muling nagbukas simula Huwebes.

Sa Huwebes na rin kasi mag-uumpisa sa Metro Manila ang Alert Level 4, na bahagi ng bagong alert level system na papalit sa mga community quarantine status.

Bakunado at haharap sa mga kostumer nang naka-PPE ang karamihan sa mga stylist sa salons sa Metro Manila.

Sa ilalim ng mga bagong patakaran, kung outdoor ang personal care service — gaya ng mga barberya, hair o nail spa, at salon — puwede silang mag-operate nang 30 porsiyentong kapasidad habang 10 porsiyento naman kapag indoor. Fully vaccinated lang ang papayagan sa mga establisimyento.

"Ang lilimitahan lang namin ngayon, 'yong massage at facial pero all about hair, puwede na gawin," sabi ni Les Reyes, chairman at CEO ng Reyes Haircutters.

Puspusan na rin ang paghahanda ng mga mall.

Dahil karamihan sa mga restaurant ay walang al-fresco area, gagamitin na rin ang ilang open space at sidewalk.

Sa restaurants kasi, 10 porsiyento na vaccinated customers lang ang puwede sa indoor dine-in at 30 porsiyento sa al-fresco o outdoor.

Sa SM North EDSA sa Quezon City, dinagdagan ang mga mesa sa ilang open area, na puwedeng gamitin ng kahit sinong kostumer.

"I think tomorrow people will be curious. 'Yong iba kasi diba they have always wanted to dine in already," sabi ni SM North EDSA head Jocelyn Clarino.

Ginawa namang dining area ang ampitheater ng UP Town Center.

Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, inaasahang aabot sa 150,000 manggagawa ang magbabalik-trabaho simula Huwebes sa pagpapatupad ng Alert Level 4 sa Metro Manila.

Umaasa naman si Lopez na bumaba pa sa Alert Level 3 ang status ng Metro Manila sa susunod na buwan para makabalik sa trabaho ang higit 1 milyong manggagawa sa food at personal care sector.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.