ALAMIN: Mga alok na trabaho sa online job fair ng CSC

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2020 02:11 PM | Updated as of Sep 15 2020 07:38 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Umarangkada na ang government job fair ng Civil Service Commission na may alok na 10,000 trabaho. 

Karamihan sa mga posisyon, kailangan ng Civil Service Eligibility Certificate na nakukuha kapag pumasa sa career service exam. 

Pero maaari ring magkaroon ng eligibility o certificate na hindi na kailangang mag-exam, gaya ng mga honor graduate o kaya mga bar at board passer, maging ang mga barangay health worker o official. 

Kabilang sa mga hinahanap na manggagawa ang para sa mga sumusunod na tanggapan o posisyon: 

  • Register of Deeds
  • Admin Officer
  • Attorney
  • Accountant
  • Procurement Officer
  • Research Specialist
  • Medical Officer
  • Guidance Councilor
  • Information Technology
  • Engineer
  • Investments Specialist
  • Therapist
  • Nurse
  • Architect
  • Revenue Officer

Kung interesado, mag-log in lamang sa onlinejobfair.jobstreet.com.ph

Ipasok ang e-mail address, at mag-fill out ng personal data sheet para makita ang mga bakanteng trabaho sa mga ahensiya ng gobyerno, ayon kay CSC commissioner Aileen Lizada. 

Maging ang mga interview, gagawin online. 

"The interviews will be online. Kung tatanungin ka 'what do you know about the agency' eh dapat may kaunting research ka do'n 'di ba? Tapos kahit nasa bahay ka at online dapat ho 'yung suot natin ay presentable at iyong kagalang-galang,” ani Lizada. 

"This is not an ordinary job. Kailangan ho dito dedication, compassion, sakripisyo and then ang inuuna ho talaga natin dito ay ang publiko," dagdag niya. 

Payo ni Lizada sa mga aplikante, magpasa ng application sa mas maraming bakanteng puwesto para tumaas ang tsansang makakuha ng trabaho.

Plantilla ang alok na mga posisyon at hindi kontraktuwal kaya may mga compensation package na may allowance, benefits, at retirement pay. 

Ayon sa CSC, 260,000 ang lahat ng bakanteng pantilla position sa gobyerno kaya kung hindi man makakapag-apply ngayon dahil kulang sa kalipikasyan ay may panahon pa para kumuha ng career service exam at sumubok na mag-apply ulit sa susunod na taon. 

Magtatagal ang job fair hanggang Setyembre 18. 

-- May ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.