PatrolPH

Dagdag-singil ng Maynilad sa susunod na 5 taon, aprubado na

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2018 10:17 PM | Updated as of Jan 27 2020 02:55 PM

Watch more on iWantTFC

Inaprubahan nitong Huwebes ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang hirit na dagdag-singil ng Maynilad na uutay-utayin sa susunod na limang taon simula sa Oktubre.

Nasa P5.73 kada cubic meter ang inaprubahan ng MWSS Board of Directors na dagdag-singil ng Maynilad.

Katumbas ito ng P0.90 kada cubic meter sa Oktubre, P1.95 kada cubic meter sa Enero 2020, P1.95 kada cubic meter sa Enero 2021, at P0.93 kada cubic meter sa Enero 2022.

Hindi pa kasali sa kuwenta ang mga buwis gaya ng value-added tax na madadagdag pa sa over-all na rate hike.

Sa Setyembre 27 naman isasalang ang dagdag-singil ng Manila Water, na inaasahang nasa P7 din.

Samantala, aprubado na rin ng MWSS ang foreign currency differential adjustment (FCDA) para sa huling tatlong buwan ng 2018 ng Maynilad at Manila Water. Ang FCDA ay ang pagbabago sa bayad dahil sa mga gastos na dala ng pagbabago sa palitan ng piso. 

Nasa P0.11 na dagdag kada cubic meter ang inaprubahan sa Maynilad habang P0.02 bawas naman sa kada cubic meter ang sa Manila Water.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.