ALAMIN: Ayuda para sa mga magsasakang sapul ng rice tariffication

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2019 05:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May nakalaang budget dapat bilang ayuda o tulong sa mga magsasaka sa ilalim ng rice tariffication law, ayon sa batas. 

Tinalakay ito ni Agriculture spokesperson Noel Reyes sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM nitong Miyerkoles. 

Ayon sa batas, P10 bilyon sa nakukuhang taripa kada taon ang mapupunta umano sa mga magsasaka, sa pamamagitan ng pautang, makinarya, buto ng palay, at iba pa. 

"Pinapatungan (namin) ng 35 percent na taripa ang kada kilo ng [imported] na bigas...'Yung P35 iipunin 'yon, babalik 'yon sa magsasaka in terms of ... technology, pautang," ani Reyes sa. 

Ayon kay Reyes, nagsimula nang magbigay ang ahensiya ng 20 kilong butil para sa mga local farmers. 

Kapag nakapagtanim na ang mga magsasaka, bibigyan umano sila ng mga libreng makinarya para matulungan sila sa paglilipat, pagtuyo, at pag-ani ng palay.

Binibigyan din ng pautang umano ang mga magsasaka na P15,000 sa kada square meter nang walang interes, at maaari nilang bayaran ito sa loob ng 8 taon. 

Sa local farm registry o listahan ng gobyerno ng mga magsasaka malalaman ang mga benepisyaryo nito, ayon kay Reyes. 

May plano rin ang DA na taasan ang presyo ng mga palay para hindi umaray ang mga magsasaka sa epekto ng rice tariffication. 

"We're trying to prop up the prices of palay para hindi kawawa ang magsasaka," aniya. 

Maaalalang umaalma ang ilang grupo sa pagbagsak-presyo ngayon ng palay, na umaabot na lang umano sa P7 hanggang P8 kada kilo. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.