Pagsuspende ng buwis sa langis, iminungkahi kontra taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 09:08 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Umapela nitong Miyerkoles ang isang grupo ng mga negosyante sa gobyerno na huwag munang ituloy ang ikalawang bugso ng excise tax sa petrolyo para maiwasan ang lalo pa umanong paglobo ng presyo nito. 

Higit P2 kada litro pa ang dagdag sa excise tax sa Enero 2019 sa diesel at gasolina na bahagi ng reporma sa buwis. Higit P1 na dagdag naman ito sa 2020.

"Siguro naman, 'pag masyadong mataas, lumalaki ang income mong masyado, eh the government should not live on the misery of the people naman. Lagyan mo naman ng cap," sabi sa radyo DZMM ni Employers Confederation of the Philippines president Sergio Ortiz-Luis.

Sangayon sa panukala ang Independent Philippine Petroleum Companies Association (IPPCA).

"Mas maganda na huwag na muna nating, pakiusap natin, huwag na muna nating isunod 'yon kasi talagang baka bumalik sa P50 ang diesel," sabi sa panayam ni IPPCA chairman Fernando Martinez.

Ipinanukala rin ang pag-angkat ng mga kompanya ng langis ng ethanol na sangkap sa gasolina. Mapapababa umano nito ang presyo ng gasolina.

"Kung papabayaan silang mag-import, our fuel will go down by at least P2 to P3 per liter," ani Ortiz-Luis.

Nagpatupad ang ilang kompanya ng langis noong Martes ng P0.65 dagdag sa kada litro ng gasolina, diesel, at kerosene. Iyon ang ikalimang sunod na linggong nagkaroon ng taas-presyo sa petrolyo. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.