Ilang negosyante, may takot sa TRABAHO bill

ABS-CBN News

Posted at Sep 12 2018 08:12 PM

Umaangal ang ilang mga dayuhan at negosyante sa isinusulong na Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities (TRABAHO) bill o kilala noon bilang package 2 ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law. 

Ayon sa grupong Semiconductor and Electronics Industries in the Philippines (SEIPI), ang kanilang mga pabrika ang pinakamalaking nag-aambag sa export sa bansa ngunit "inilihis" na ng ilan sa kanila ang puhunan sa expansion dahil sa posibleng pagpasa sa TRABAHO bill. 

"We estimate that over $1 billion in expansion plans have been diverted. That’s a lot of jobs. Nobody is shutting down, but without expansions here because of uncertainties, we will be left with legacy products which will soon be obsolete," ani Dan Lachica, presidente ng SEIPI.

("Sa tantiya namin ay higit $1 bilyon na ang inilihis na puhunan ng ilan sa amin dahil sa pangambang dulot ng TRABAHO bill. Wala mang nagsasara ngunit wala na ring nagpapalawig pa ng kanilang operasyon. Ang maiiwan ay ang mga 'legacy products' na maaari na ring mawala.")

Nitong Lunes ay pumasa sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang TRABAHO bill. 

Sa ilalim ng panukala, tatanggalan ng mga insentibo ang mga kompanyang nakapuwesto sa economic zones.

Pero pabababain din nito ang corporate income tax mula 30 porsiyento hangang 25-20 porsiyento. 

Tutol ang Joint Foreign Chambers of the Philippines (JFC) — ang samahan ng mga dayuhang kompanya sa Pilipinas — sa ilang probisyon sa TRABAHO bill. 

Pero giit naman ng SEIPI at JFC, sang-ayon sila sa ibang layunin ng TRABAHO bill, tulad ng paggawa ng mga bagong insentibo na makatutulong sa mga kompanya na lumilikha ng bagong trabaho at bagong teknolohiya.

Ayon naman sa Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), may ebidensiya sila na pumapasok ang mga dahuyang negosyante kahit pa tuloy ang pag-usad ng TRABAHO bill sa Kongreso. 

"TRABAHO as a whole, especially because of the corporate income taxes [amendments], will be good for the micro, small and medium enterprises...FDI (foreign direct investments) are growing despite what they are saying about TRABAHO," ani Alegria Sibal Limjoco, presidente ng PCCI.

("Sa kabuuan, makabubuti ang TRABAHO para sa micro, small at medium enterprises... Lumalago ang dayuhang pamumuhunan sa kabila ng mga sinasabi tungkol sa panukala.")

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, "the best incentive package in Asia" ang ipinasa nila sa TRABAHO bill.

"Unahin na ang incentive bago ang reform para maengganyo ang mga investor na manatili sa bansa," ayon sa mambabatas. 

Ayon naman kay Sen. Sherwin Gatchalian, sisikapin nila sa Senado na tugunan ang mga issue ng SEIPI at JFC.

—Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.