PatrolPH

Duterte: NFA chief Jason Aquino, humiling mapalitan sa puwesto

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 05:59 PM | Updated as of Sep 11 2018 08:38 PM

Watch more on iWantTFC

Naghahanap na ng bagong pinuno ng National Food Authority (NFA) si Pangulong Rodrigo Duterte matapos umanong ihayag ni Jason Aquino ang pagnanais niyang mahalinhinan sa puwesto.

Sa pakikipag-usap ni Duterte nitong Martes kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na naka-broadcast nang live sa telebisyon, sinabi ni Duterte na hiniling ni Aquino na gusto na nitong ma-'relieve' o mahalinhinan na bilang pinuno ng NFA dahil pagod na umano ito.

"I will scout for a new one [Maghahanap ako ng bago]," sabi ni Duterte.

Inilutang din ni Duterte ang posibilidad ng pagbuwag sa "National Food Council," o NFA Council. 

"I may recommend to Congress the abolition of the National Food Council. It has not done any purpose," sabi ni Duterte.

Bukod sa pagsipa nitong Agosto ng kabuuang inflation rate o iyong bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo, umarangkada din ang inflation rate ng bigas.​

Mula 5 porsiyento noong Hulyo, nasa 7.1 porsiyento na ang inflation rate ng bigas nitong Agosto, base sa datos ng Philippine Statistics Authority.

Noong nakaraang buwan, nagdeklara ng state of calamity ang mga pamahalaang lokal ng Zamboanga City at Isabela City sa Basilan dahil sa limitadong suplay at nagtaas ng presyo ng bigas.​

Ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel "Manny" Piñol, sa Nobyembre inaasahang pipirme ang mga presyo ng bigas.

May ginagawa na raw na mga hakbang ang gobyerno para makontrol ang mga nagtataasang presyo ng mga bilihin, ayon sa Pangulo. 

Nasangkot din kamakailan ang ilang opisyal ng NFA sa isyu ng panlilihis umano ng pondo matapos maiulat na ipinambayad sa utang ang pondong pambili dapat ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.