PatrolPH

DTI, balak na ring mag-angkat, magbenta ng bigas

ABS-CBN News

Posted at Sep 11 2018 08:31 PM

Watch more on iWantTFC

Balak ng Department of Trade and Industry (DTI) na mag-angkat at magbenta na rin ng bigas upang makatulong sa pagdagdag ng suplay na maaaring maibenta nang mura sa mga konsumer.

Ayon sa DTI, kung papayagan sila ng National Food Authority (NFA) Council, puwede raw agad silang mag-order at maipaparating ang inangkat na bigas sa Pilipinas bago mag-Disyembre.

"Para matulungan natin ang NFA na magkaroon ng sufficient supply ng bigas. Although marami naman silang bigas ngayon pero ang DTI naka-stand by," ani Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Target ng DTI na makapag-angkat ng 150,000 metric tons o 3 milyong sako ng bigas sa pamamagitan ng Philippine International Trade Corporation.

Balak din ng DTI na ibenta ito ng P27 o P32 kada kilo.

Nagtala ang bigas ng 7.1 porsiyento na inflation rate o bilis ng pagtaas ng halaga nitong Agosto mula sa 5 porsiyento noong Hulyo, ayon sa Philippine Statistics Authority.

Ilulunsad naman ng DTI sa susunod na linggo ang "Tulong Sa Bayan" consumer center kung saan kada siyudad ay magkakaroon ng bagsakan ng mga produktong agrikultura bilang tulong sa masa.

Doon din ibabagsak ang commercial rice na P39 kada kilo na isusuplay daw ng mga trice trader o miller mula Bulacan. 

Umapela naman si NFA spokesperson Rex Estoperez na huwag nang mag-ipon ng suplay ng NFA rice.

"Sige, magdoble-doble tayo. Pila rito, pila doon, baka bukas wala na. Eh sinasabi nga namin na mayroon naman tayong stocks," ani Estoperez.

Watch more on iWantTFC

TAAS-PRESYO NG BILIHIN, RAMDAM PA RIN SA MGA LALAWIGAN

Patuloy namang nararamdaman ng mga mamimili sa iba-ibang panig ng bansa ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa bayan ng Tiwi, Albay, inihayag ng gurong si Arlene Dela Rosa ang panghihinayang sa mga estudyanteng pinipiling lumiban sa klase dahil wala na umanong mga baon.

Karamihan umano sa mga lumiliban sa klase ni Dela Rosa ay miyembro ng katutubong pangkat na naglalakad pa ng isang oras papuntang eskuwelahan.

"May mga batang nag-a-absent tapos nagpapaalam na umuwi ng tanghali kasi walang baon," ani Dela Rosa.

Pero may ilan namang gaya ni Errol Bragais na nagtitiyaga pa ring pumasok kahit walang baon.

Ayon kay Bragais, wala silang bigas.

Ang isa namang estudyanteng si Marvin Brigerra ay may kanin pero wala namang ulam. 

Tinapa o gulay naman ang baon ng ibang mag-aaral.

Sa Barangay Misibis, Tiwi, umabot na sa P52 ang kada kilo ng bigas.

Sa Bacolod City naman, P58 na ang kada kilo ng pinakamahal na commercial rice sa palengke. 

Tumaas naman ng P5 hanggang P50 ang presyo ng gulay sa La Trinidad Trading Post sa Benguet, na isinisi ng mga magsasaka sa kakulangan ng suplay. 

Nagdeklara noong nakaraang linggo ng state of calamity ang provincial government ng Bengue dahil sa mga pinsalang iniwan sa impraestruktura at agrikultura ng mga pag-ulang dala ng habagat noong nakaraang buwan.

-- Ulat nina Alvin Elchico at Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.