Supply, presyo ng karneng baboy di apektado ng swine fever death

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2019 08:43 PM | Updated as of Sep 11 2019 10:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi gaanong naapektuhan ang suplay at presyo ng karneng baboy sa kabila ng pagkakatala ng mga unang kaso ng African swine fever sa bansa.

Nasa P120 hanggang P125 kada kilo pa rin ang farmgate price ng malalaking hog raiser habang P113 hanggang P118 ang farmgate price ng mga backyard piggery, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag).

Hindi rin malaking producer ng baboy ang Rizal, kung saan naitala ang mga kaso ng ASF, ayon kay Sinag President Rosendo So.

"'Yong demand ay mayroon pa rin, walang problema," ani So.

Nananatili naman sa P220 hanggang P240 ang kada kilo ng karneng baboy sa ilang palengke gaya ng Kamuning Market sa Quezon City.

Ang makaaapekto sa mga magbababoy ay ang pagbabawal ng ibang lalawigan sa pagpasok ng mga baboy, ayon kay Chester Tan, chairman at president ng National Federation of Hog Farmers Inc.

Ang Negros Occidental, halimbawa, ay maglalabas ng resolusyong nagbabawal sa pagpasok ng karneng baboy mula Luzon sa loob ng 100 araw.

Samantala, ipinagbawal na ng Bureau of Customs ang paglabas ng mga tirang pagkain mula sa mga eroplano at barko.

Pababantayan din ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang mga restoran, palengke, at hotel para matiyak na deretso sa landfill at hindi sa mga babuyan ang tirang pagkain.

Ang kaningbaboy ang nakikita ng Department of Agriculture (DA) at BAI na posibleng sanhi ng ASF sa bansa.

Sa kabila nito, may mga magbababoy na pinipili pa ring magpakain ng kaningbaboy dahil mas mura umano kaysa sa feeds.

"Kaningbaboy talaga... pagdating sa amin, niluluto naman namin dito," anang magbababoy na si Romarico Lalusin.

Inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hiling ng DA na P82 milyong pondo bilang panlaban sa ASF.

"Palalakasin natin 'yong quarantine services natin sa seaports at airports," ani BAI Director Ronnie Domingo.

"I-empower din natin 'yong regional laboratories natin para 'yong mga magpapa-testing ng mga sample nila, hindi na pupunta ng Maynila," dagdag ni Domingo.

Nanawagan din ang BAI sa publiko na agad ipaalam sa kanila kapag namatayan ng baboy, at nakitaan ng sintomas ng ASF.

Ibinunyag noong Lunes ni Agriculture Secretary William Dar na nagpositibo sa ASF ang blood samples ng ilang namatay na baboy galing Rizal at Bulacan. 

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.