PatrolPH

'Taas-presyo sa Pilipinas, kagagawan natin'

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2018 10:44 PM

Watch more on iWantTFC

Para sa isang senador, hindi dapat isinisisi ang problema sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin sa mga nangyayari sa labas ng bansa dahil ito ay "self-inflicted" o bunsod ng mga pangyayari sa loob ng Pilipinas.

Ito ay matapos sisihin ni Pangulong Rodrigo nang dalawang beses si U.S. President Donald Trump sa isyu ng inflation o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Ayon kay Senador Ralph Recto, dapat inasahan ng gobyerno ang ibang pangyayari sa labas ng bansa.

"World events, external factors are given. That's always the case. We must anticipate [Laging may mga pangyayari sa labas ng bansa, salik sa labas ng bansa. Dapat inasahan natin iyon]," sabi ni Recto sa isang pahayag.

"A big part of our inflation problem is self-inflicted. They are internal [Isang malaking bahagi ng ating problema sa inflation ay dulot natin sa ating sarili. Panloob ito]," dagdag ng senador.

Umarangkada sa 6.4 porsiyento ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo o iyong tinatawag na inflation para sa buwan ng Agosto, base sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority. Iyon ang pinakamabilis na pag-akyat ng inflation rate sa loob ng halos 10 taon.

Noong nakaraang linggo, inihayag ni Duterte na ang pagpataw ni Trump ng mas malaking taripa ang dahilan ng pagsipa ng inflation sa bansa.

"When Trump raised 'yung mga tariff niya pati banned other items, nagkaloko-loko," sabi ni Duterte.

Ang mga taripa na tinutukoy ng pangulo ay bahagi ng tinatawag na China-U.S. trade war.

Pero kung totoo nga ang sinasabi ng pangulo, dapat mataas din ang presyo ng mga bilihin sa mas maraming bansa sa rehiyon ng Southeast Asia.

Pero ayon sa pinakabagong datos ng ASEAN, mas mataas talaga ang inflation sa Pilipinas simula nitong 2018, at malayo ang mga antas sa inflation ng Malaysia, Indonesia, Singapore, Thailand, at Vietnam.

Ibig sabihin, may mga "local factor" o mga nangyayari na dito lang sa bansa, tulad ng isyu sa kakulangan sa suplay sa bigas at iba pang produktong pang-agrikultura, humihinang piso, at reporma sa buwis.

Base rin sa trade data ng Pilipinas at China, lumago pa ang kalakalan ng Pilipinas sa Amerika at China.

Mula Enero hanggang Hunyo 2018, mas mataas ang naging exports at imports ng Pilipinas sa dalawang naturang bansa.

Ayon naman kay Finance Assistant Secretary Tony Lambino, salik din sa inflation ang pagmahal ng mga presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

"U.S. sanctions for instance in some countries in the Middle East, Iran in particular on the economic front, that certainly is affecting the import price of oil," ani Lambino.

Para kay Senador Francis Pangilinan, ang solusyon ay palakasin ang sektor ng agrikultura para hindi na kailangang umasa sa pag-angkat ng pagkain para maibaba ang mga presyo sa palengke.

Ayon pa sa economic managers, kasama ang panukala ng senador sa kanilang plano pero uunahin muna nila ang isyu ng pagkukulang ng suplay sa merkado.

Isang solusyon naman ng Department of Trade and Industry ang paglalagay ng mga "Tulong ng Bayan" na tindahan sa iba-ibang parte ng bansa para mapabilis ang pamamahagi ng bigas sa murang halaga.

-- Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.