Presyo ng petrolyo, may dagdag na P0.65 kada litro

ABS-CBN News

Posted at Sep 10 2018 12:37 PM | Updated as of Sep 10 2018 07:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nag-abiso ang ilang kompanya ng langis na magkakaroon ng dagdag sa presyo ng kanilang mga produkto simula Martes, Setyembre 11.

Ayon sa Shell, Flying V, Caltex, at SEAOIL, P0.65 ang dagdag sa presyo kada litro ng kanilang gasolina, diesel, at kerosene. 

Maliban sa kerosene, P0.65 din ang dagdag ng Phoenix Petroleum, TOTAL, Eastern Petroleum, Jetti Pump, Petro Gazz, at PTT Philippines sa kada litro ng kanilang gasolina at diesel.

Magiging epektibo ang mga dagdag-presyo simula alas-6 ng umaga.

Ito ang ikalimang sunod na linggong nagkaroon ng dagdag-presyo sa petrolyo.

Sa kabuuan, lagpas P11 na ang itinaas sa presyo mula noong Enero.

TAAS-PRESYO NG LANGIS, 'PAG-UNA SA TRILLANES AMNESTY,' INIREKLAMO

Samantala, sumugod naman ang transport group na Piston sa isang gasolinahan sa East Avenue, Quezon City upang almahan ang panibagong dagdag sa presyo ng langis.

Bitbit ang mga karatula, iginiit ng grupo na dapat ay pababain ang presyo ng langis at ang pagbasura sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na anila ay dagdag-pasakit sa kanilang mga tsuper at operator. 

Ayon kay Piston president George San Mateo, sa halip na tutukan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isyu sa presyo ng langis ay inuuna pa raw nito ang pagpapatahimik sa kaniyang mga kritiko.

Binitawan ni San Mateo ang mga pahayag kaugnay sa kamakailang pagpapawalangbisa ni Duterte sa amnesty ni Senador Antonio Trillanes IV.

Dagdag pa ni San Mateo, kung hindi kaya ng pangulo na tugunan ang problema sa mga nagtataasang presyo ay magbitiw na lang siya sa puwesto.

Sinugod din ng Piston ang tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para ipanawagan naman ang pagbasura sa jeepney modernization program. --May ulat nina Alvin Elchico at Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.