Bayan sa Bukidnon magtutustos ng gulay sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Sep 09 2018 08:41 PM | Updated as of Sep 09 2018 11:18 PM

Mga tindang gulay sa Balintawak Market sa Quezon City. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Magbabagsak ng gulay sa Metro Manila ang mga magsasaka mula sa bayan ng Talakag, Bukidnon, at, ayon kay Agriculture Secretary Emmanuel "Manny" Piñol nitong Linggo, maaari raw nitong hilahin pababa ang mga nagtataasang presyo ng gulay sa Kamaynilaan. 

Ayon kay Piñol, simula ngayong Setyembre ay linggo-linggong magbabagsak ng 40 hanggang 60 toneladang gulay sa mga pamilihan sa Metro Manila ang mga magsasaka mula Talakag.

Mas mura umano ito kumpara sa mga gulay mula sa hilagang bahagi ng bansa.

"The supplies from Talakag could drastically bring down the prices of vegetables in Metro Manila markets," sabi ni Piñol sa isang Facebook post.

("Maaaring lubos na mapababa ng suplay mula Talakag ang mga presyo ng gulay sa mga pamilihan sa Metro Manila.")

Ayon sa kalihim, nangako ang mga magsasaka na magbibigay ng suplay ng gulay matapos niyang bigyan ang mga ito ng P20 milyong easy access credit na magagamit sa pagbili ng mga produkto.

Sa ilalim ng kasunduan, ang pamahalaang lokal ng Talakag ang magtatakda kung saan dadalhin, lilinisin, at ieempake ang mga gulay. 

Ang Department of Agriculture naman ang pansamantalang sasagot sa refrigerated vans na gagamitin sa pagbiyahe ng mga mga gulay.

Nagmahal ang presyo ng gulay sa Metro Manila dahil umano sa pagkasira ng mga pananim bunsod ng mga pag-ulang dala ng habagat noong nakaraang buwan.

--Ulat ni Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.