PatrolPH

Ilang supermarket wala pang taas-presyo sa bilihin

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2021 08:13 PM | Updated as of Sep 08 2021 08:17 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — May ilang supermarket na hindi pa ipinatupad ang pinabagong dagdag-presyo sa ilang pangunahing bilihin.

Sa pag-inspeksiyon ng Department of Trade and Industry (DTI) ngayong Miyerkoles, nakitang mayroon pang mga supermarket ang hindi nagpapatupad nang 3 hanggang 5 porsiyentong dagdag-presyo na inaprubahan noong nakaraang linggo dahil pinapaubos pa ang lumang stock.

Ayon kay Ramon Abesamsis, manager ng isang branch ng Shopwise, posibleng sa mga susunod na araw o linggo pa maging epektibo ang mga bagong presyo.

Pero hindi pa man naga-adjust ang lahat sa bagong SRP, sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na may ilan pang manufacturer na humihirit din ng dagdag-presyo sa kanilang mga produkto.

Ayon kay Castelo, ito ang mga produktong hindi naisama sa huling SRP dahil "iniwan na muna natin para lang hindi mabigla masyado ang mga consumer."

Hiwalay din umano dito ang hirit na 3 hanggang 5 porsiyentong dagdag-presyo ng mga manufactuer ng Noche Buena products.

Dahil dito, ipinayo ni Castelo sa publiko na kung kakayanin ay mamili na ng ilang Noche Buena products, gaya ng pasta at mga de-lata, habang hindi pa nagmamahal.

Gaya ng presyo ng ilang basic goods, 2019 pa huling pinayagang magtaas-presyo ang Noche Buena products.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.