Libreng pag-aaral ng computer skills alok ng DICT

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2019 07:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong bumalik sa Pilipinas si Marissa Caasi noong 2017, nangamba siyang hindi sapat ang mahanap niyang trabaho, lalo at mag-isa niyang itinataguyod ang 3 anak.

Bago umuwi, 5 taong nagtrabaho si Caasi bilang tagapag-alaga ng mga bata sa United Arab Emirates.

"May edad na saka mahirap maghanap ng magandang trabaho kung high school graduate ka lang," ani Caasi sa panayam ng ABS-CBN News.

Libreng nakapag-aral ng computer skills si Caasi sa ilalim ng Rural Impact Sourcing o ngayo'y DigitalJobsPH, isang programa ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Kasalukuyang online freelancer si Caasi at nagtatrabaho lamang sa loob ng kaniyang bahay.

"Kung ano 'yong kinikita ko dati sa abroad, kaya din pala kitain kapag nag-home-based ka, at minsan higit pa," ani Caasi.

Bukas sa lahat ang DigitalJobsPH basta pasado sa requirement na exam.

Sa ilalim ng programa, 7 pagsasanay na tumatagal nang 30 araw ang maaaring pagpilian: 

  • Digital marketing and eCommerce
  • Search engine marketing and advertising
  • Virtual assistance
  • Graphic design using online tools
  • Content writing
  • Website development with WordPress
  • Social media marketing and advertising

Inaalok ang mga pagsasanay sa 96 training locations sa bansa.

"Binibigyan natin sila ng training... especially sa rural areas," ani Emmylou Delfin, direktor sa DICT.

"Paano pagkatapos ng training at wala silang laptop at internet? For sustainability, mayroon kaming digital hubs, doon sila puwedeng gumamit," dagdag ni Delfin. 

Ayon sa DICT, tataas pa ang bilang ng 1.5 milyon Pinoy na online freelancer sa bansa sa pagpasok ng pangatlong telco sa 2020, na inaasahang makapagpapababa ng presyo at makapagpapabilis ng internet speed.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.