PatrolPH

Pag-apply sa discount sa kuryente, puwede hanggang Enero

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2023 05:10 PM | Updated as of Sep 07 2023 08:34 PM

Watch more News on iWantTFC

May hanggang Enero ng susunod na taon pa ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at nasa laylayan ng lipunan para mag-apply sa discounted na singil sa kuryente, sabi ngayong Huwebes ng opisyal.

Nasa 20 hanggang 100 porsiyentong diskuwento sa singil sa kuryente ang puwedeng makuha sa ilalim ng lifeline subsidy program.

Sa ngayon kasi, umaabot pa lang sa higit 58,000 ang nakarehistro sa buong Pilipinas.

"Kung tinuloy natin 'to [ipatupad] noong September 1, malaki talaga ang risk na maraming nangangailangan ng subsidiya na hindi makaka-avail dahil lang hindi sila nakapag-register, kaya ayaw naman natin ng ganoong scenario," ani Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Monalisa Dimalanta.

Kabilang sa requirements para sa programa ang ID ng 4Ps o sertipikasyon ng local government unit na bahagi ng marginalized sector, at hanggang 100 kilowatt kada oras (kwh) na buwanang konsumo.

"Puwede pa rin pong mag-avail even if you are not a 4Ps member. Doon po sa mga non-4Ps pero low income po tayo, puwede po rin mag-apply [ng] certificate from the local [Social Welfare and Development Office]," ani Maita Basa-David, head ng Meralco North Business Area.

Sa Metro Manila, karamihan sa mga nasa laylayan ay nakikikabit lang sa kuryente ng kamag-anak o kaibigan kaya lalagpas ng 100 kwh ang papatak na konusmo sa bill.

Kung magpapakabit ng sariling metro, mayroon umanong gastos at mga dokumentong kailangan.

"Kailangan din talaga 'yong proof of ownership, approximately nasa P1,200 ang deposito natin diyan... 'pag nagpagawa po sila ng service entrance, kung saan kinakabit ['yong] metro, 'yan naman po sa private electrician," ani Basa-David.

Inatasan na ng ERC ang distribution utilities at electric cooperatives na paigtingin pa ang kampanya sa susunod na apat na buwan para dumami ang sumali sa programa.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.