PatrolPH

Baboy maaaring umabot sa P400/kilo, ayon sa ilang tindera

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2022 08:08 PM

MAYNILA - Posibleng humataw nang hanggang P400 kada kilo ang presyo ng baboy ngayong 'ber' months, ayon sa ilang nagtitinda. 

Sa price monitoring ng Department of Agriculture, tumaas sa P370 kada kilo mula P355 kada kilo ang baboy sa mga pamilihan sa Metro Manila, kumpara noong nakaraang linggo. 

Sa Kamuning Market, aminado ang ilang nagtitinda na hindi na nila kayang ibaba ang presyo ng baboy dahil tumaas na rin ang farmgate price ngayon. 

"Tataas 'yan pagdating ng 'ber' month. Every year naman 'yan tumataas. At nagliliitan na ang baboy. Pag lumalaki baboy ibig sabihin mahina ang bentahan pero pag maliliit ang baboy 'yung pambenta sana sa susunod na buwan pa, naibenta na ngayon," anang nagtitinda na si Carmencita Ola. 

Ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines, ang taas-presyo ay dahil sa bumababang suplay na dala ng African Swine Fever. 

Ayon sa Pork Producers Federation of the Philippines, bumaba ang suplay ng baboy dahil sa mga kaso ng African Swine Fever. 

"Marami ang tinatamaan ng African Swine Fever dito sa Norte atsaka sa Mindanao. Mabilis na idinispatsa nila kasi ayaw nilang abutin ng tama ng African Swine Fever dahil wala naman talagang tinutulong ang gobyerno 'pag tinamaan ka ng African Swine Fever. So ang tendency ng ating hog raisers ay hindi na nagdedeklara at mabilis na nilang ibinebenta kahit wala na sa timbang," ani ProPork Vice President Nicanor Briones. 

Sa datos ng Bureau of Animal Industry, dumarami ang mga lugar sa bansa na isinasailalim sa red o infected zone noong Hunyo dahil sa kaso ng ASF. 

Nasa 1,003 na lungsod at munisipalidad ang may reported cases noong Hunyo, kumpara sa 511 na lugar noong Mayo. 

Pero sa huling datos ng BAI noong Agosto 4, may 493 na lugar na lang ang nasa red zone. 

"Noong time na 'yon, nagkaroon ng maraming supply. Temporary oversupply. Bumaba ng P50 per kilo ang farm gate price. Ngayon nabenta na 'yong mga baboy doon sa area na tinatamaan ng African Swine Fever, wala na ulit ngayon. Hinid nila 'yan makokontrol kung hindi nila babayaran 'yong tinatamaan ng ASF," ani Briones. 

Muli nanawagan ang ProPork sa gobyerno na bilisan ang pamamahagi ng indemnification sa mga raiser na tinamaan ng ASF para mahikayat silang i-report kung tumama ang sakit sa kanilang lugar. 

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.