Pamilya ng OFW, umaaray na rin sa pagdausdos ng piso

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2018 08:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patuloy ang paghina ng halaga ng piso kontra dolyar at maging ang mga sektor na dapat nakikinabang sa paglakas ng foreign currencies ay dumadaing pa rin.

Halos mag-P54 ang palitan ng kada dolyar nitong Biyernes pero nagsara ito sa P53.73, na pinakamababang antas nito sa loob ng halos 12 taon.

Ang itinuturong dahilan ng mahinang piso ay ang mas mataas sa inaasahang inflation na umabot ng 6.4 porsiyento nitong Agosto at ang paghina ng ekonomiya ng ibang emerging markets tulad ng Turkey at Argentina.

Pag mahina ang piso, sinasabing panalo ang exporters at pamilya ng overseas Filipino workers (OFW) na nagpapadala ng dolyar.

Pero si Guillerma Sablayan na tumatanggap ng $100 kada buwan mula sa hipag na nagtatrabaho sa Amerika, dumaraing pa rin.

Sabi niya, hindi sapat na pambawi ang mataas na palitan sa mas malaking itinaas ng presyo ng mga bilihin.

"Mas maganda pa po noon, maliit ang ibinibigay sa amin, pero mas marami ang nabibili kesa ngayon," hinaing ng ginang.

Umaaray din ang mga negosyanteng nag-i-import ng raw materials para sa kanilang produkto.

"Malaking epekto sa amin, kasi nag-increase ang price ng raw materials namin. Kailangan din namin i-pass on to consumers, pero in a timely manner. Para hindi mabigla at maubusan ng buying power ang consumer," paliwanag ni Marvin Lim, vice president for sales and marketing ng Mega Global Corp.

Ayon sa mga ekonomista, hihilahin pa ng mahinang piso ang presyo ng gasolina na ini-import, na posibleng magpapamahal lalo sa presyo ng mga bilihin.

Tiniyak naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na kikilos ito para pigilan ang pagbulusok ng halaga ng piso.

"Makakaasa po kayo na hindi papayag ang BSP na tumuloy-tuloy ang paghina ng piso. Makakaasa rin po kayo na makakatulong ang plano na mag-angkat ng bigas, isda, at iba pang produkto para tuluyang bumaba ang inflation," paniguro ni Diwa Guinigundo, BSP deputy governor.

Hindi naman umano dapat mabahala ang publiko, ayon sa Malacañang, dahil epekto lang ang mababang piso ng pag-iimport ng materyales para sa "Build, Build, Build" program.

"That is not a reason to worry po. Ultimately in the long run, ang tingin namin 'yung trabaho at tsaka 'yung negosyo na mage-generate ng Build, Build, Build will make up for the weaker peso," ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Inaasahan ni Roque at ng ilang ekonomista na makababawi ang piso ngayong paparating na Kapaskuhan dahil sa karaniwang pagpasok ng mas maraming remittances kapag ganitong panahon.

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil patuloy na humihina ang halaga ng piso kontra dolyar, mas magmamahal na rin ang plano ng gobyerno na mag-angkat ng bigas, asukal, at isda na layon sanang maibaba ang presyo ng mga bilihin sa merkado.

Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), napag-usapan na ang paghina ng piso at ang epekto nito sa plano na mag-angkat ng galunggong.

"Merong effect ang dollar exchange, pero very minimal," ani BFAR Undersecretary Eduardo Gongona.

Pero giit ni Gongona, kailangan pa ring ituloy ang plano.

"Wala rin kasi talaga tayong makuha na supply ngayon. Kung tataas ang exchange rate, pag-aralan. Kung hindi tayo mag-i-import, lalong tataas ang presyo," paliwanag ng opisyal.

Pangako ni Gongona, seseguraduhin ng gobyerno na ang inangkat na galunggong ay hindi lalampas sa P140 kada kilo na suggested retail price sa merkado.   

—Ulat nina Vivienne Gulla at Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.