PatrolPH

Walang ginawa? Econ managers pumalag sa batikos sa taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2018 07:06 PM | Updated as of Sep 06 2018 08:05 PM

Watch more on iWantTFC

Naglabas na ng sari-saring aksiyon na gagawin ang gobyerno para mapababa ang presyo ng mga bilihin at mapabagal ang sipa ng inflation sa mga susunod na buwan.

Ito'y matapos makatanggap ng labis na batikos ang economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano'y kawalan ng istratehiya ng pamahalaan.

Tahasan kasing sinisi ni Albay Rep. Joey Salceda ang pamahalaan na hindi umano kumilos upang maagapan ang nangyayaring taas-presyo. 

“Ultimately, the 6.4 percent [inflation] was really due to the fact that we did little or nothing...We can no longer blame market opportunists, profiteers, and rice hoarders," ani Salceda.

Dating parte ng economic team ni dating pangulo at ngayo'y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo si Salceda. 

Pero sagot ni Budget Secretary Benjamin Diokno, hindi totoong wala silang ginawa. Sadyang tali lang umano ang kamay nila bunsod ng "bureaucracy."

"It is not true we did not do anything. There is the importation of other food products, sugar, garlic, rice, and fish. But it turns out, there are many restrictions which the bureaucracy could have actually removed," paliwanag ng kalihim. 

(''Hindi totoong wala kaming ginawa. Nag-angkat tayo ng asukal, bawang, bigas, isda at iba pang pagkain. Pero lumabas na may mga pagbabawal na maaari sanang naalis ng burukrasya.'')

Sinabi rin ng Department of Finance (DOF) na iniimbestigahan nila ang mga pagkukulang ng National Food Authority (NFA) sa responsibilidad nito bilang tagabantay ng suplay ng bigas sa bansa, na isa sa nagpabilis sa inflation. 

Pabor naman dito ang Department of Budget and Management (DBM).

"Tama naman 'yon, dapat may managot...We have been asking NFA [to] buy rice during the harvest season. They did not. They prepaid debt. Irresponsible act," ani Diokno. 
    
Kasama sa aksiyon na inilabas ng economic managers laban sa inflation ang pagpapabilis ng pag-angkat ng bigas at iba pang pagkain.

Plano rin ng gobyerno ang paghahain ng mga kaso sa mga mapagsamantalang negosyante na sadyang inaakyat ang presyo ng mga bilihin. —Ulat ni Warren de Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.