PatrolPH

'Pagtaas ng presyo ng bilihin, maaaring magtuloy-tuloy pa'

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2018 10:09 PM

Watch more on iWantTFC

Nagbabala ang isang grupo ng mga konsumer na hindi pa tapos ang kalbaryo ng mga mamimili dahil posible pang magtaasan ang presyo ng mga bilihin.

Umarangkada sa 6.4 porsiyento ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo o iyong tinatawag na inflation para sa buwan ng Agosto, base sa datos na inilabas noong Miyerkoles ng Philippine Statistics Authority (PSA). Iyon ang pinakamabilis na pag-akyat ng inflation rate sa loob ng halos 10 taon.

Ayon sa grupong Laban Konsyumer, patuloy pang tataas ang presyo ng mga bilihin, lalo ngayong "ber" months.

"Kung mataas na 'yong pag-uumpisahan mo ngayon at tataas pa 'yong excise taxes mo, where do you see the numbers going?" ani Laban Konsyumer president Vic Dimagiba.

Sa pinakamalalaking ekonomiya sa Southeast Asia, nangunguna ang Pilipinas sa may mataas na antas ng inflation rate simula pa nitong taon.

Kung susuriin naman ang kada rehiyon ng bansa, pinakamataas ang inflation rate sa Bicol region na nakapagtala ng 9 porsiyento. Sumunod dito ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at Soccsksargen (South Cotabato, Cotabato City, Cotabato Province, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos City).

Ang Central Luzon, na siyang pangunahing pinagkukuhanan ng bigas, ang nagtala ng pinakamababang inflation rate para sa Agosto nitong taon, na nasa 3.6 porsiyento.

PAG-ANGKAT BILANG PANGONTRA

Isinusulong naman ng gobyerno ang panukalang mag-angkat ng bigas, isda, at asukal para mapababa ang presyo ng mga ito sa merkado.

Nagmahal din sa merkado ang presyo ng gulay pero ayon sa Department of Agriculture ay dahil ito sa pagkasira ng mga pananim bunsod ng mga pag-ulang dala ng habagat noong nakaraang buwan.

Inaasahan naman ng mga economic manager na bababa na ulit sa susunod na taon ang presyo ng mga bilihin at makaluluwag na ang mga Pilipino.

MGA MAMIMILI, KANYA-KANYANG DISKARTE PARA MAKASABAY SA INFLATION

Kanya-kanyang diskarte naman ang mga mamimili para makasabay sa mga nagtataasang bilihin.

Dahil hindi sapat ang kita bilang on-call housemaid o kasambahay sa apat na bahay, naghigpit muna ng sinturon si Evelyn Isorena.

Bukod dito, pinahinto na rin muna niya ang isang anak sa pag-aaral.

Inamin ni Isorena na kinapos na siya sa P1,000 budget na dati ay napagkakasya niya para sa pamamalengke sa tatlong araw.

Nagmahal na kasi ang lahat ng kadalasang binibili ni Isorena gaya ng commercial rice na nagtaas ng P2, bangus na nagtaas ng P20, manok na nagtaas at P30, at kalamansi at sitaw na kada tali ay dumoble ang presyo.

"Mukhang bitin na 'yong budget ko," ani Isorena.

Watch more on iWantTFC

Nakikipagtawaran naman si Elizabeth Labaja sa mga tindera ng gulay sa Mega Q-Mart sa Quezon City para mapagkasya ang P1,500 para sa isang linggong pagkain ng pamilya.

Nasa P214 lang ang budget kada araw ng pamilya niyang may apat na miyembro. Hiwalay pa rito ang budget para sa bigas.

"Kung ano lang 'yong nabili, hanggang doon lang. Para makatipid din at magkasya sa budget," ani Labaja.

May ilang mamimili naman ang umatras sa pagbili ng siling labuyo sa Kamuning Market sa Quezon City dahil pumalo na sa P1,000 ang kada kilo nito.

TANIMAN SA BAKURAN

Watch more on iWantTFC

May mga nakahanap naman ng alternatibong paraan para hindi na mamili sa palengke o supermarket.

Isa rito si Alma Merico, isang biyudang nag-aalaga ng senior citizen at anim na anak.

Hindi niya iniinda ang epekto ng pagmahal ng mga gulay dahil pinipitas lamang niya ang mga produkto sa kaniyang bakuran.

"Malaking tulong po ito sa 'ming may gulayan sa backyard," ani Merico.

"[Kapag] walang pambaon anak ko, nakukuha ko rito," dagdag ni Merico.

Taniman din sa bakuran ang diskarte ni Norberto Manucom.

Ayon kay Manucom, bukod sa nakatitipid na ay malaki rin ang benepisyo sa kalusugan ng pagtatanim ng sariling gulay.

"Bukod sa presko, alam pa namin na ang luto namin ay galing dito sa amin," aniya.

--Ulat nina Jacque Manabat, Lady Vicencio, at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.