NFA rice, 'blockbuster' sa pila; presyo ng gulay sa Benguet, halos dumoble

ABS-CBN News

Posted at Sep 06 2018 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dahil sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, blockbuster pa rin ang pila sa mga tindahan ng National Food Authority (NFA) rice na mas swak sa budget kumpara sa commercial rice. 

Sa isang NFA outlet sa Commonwealth market nitong Huwebes, hindi maubos-ubos ang pila ng tao kahit tirik ang araw.

Limitado pa rin kasi ang pagbili ng NFA rice ngayon: tatlong kilo ang pinakamaraming puwedeng bilhin sa tig-P27 at dalawang kilo naman sa tig-P32.

Ang senior citizen na si Ching Jentulia, halos araw-araw bumabalik sa palengke para bumili ng limang kilo na NFA rice.

"Okay lang kahit araw-araw magpila basta may pambili, pagka wala sorry," ani Jentulia.

May mga dumarayo rin sa Commonwealth market mula sa Bulacan at Montalban, Rizal para sa naturang palengke bumili ng NFA. 

"Wala kasi sa Bulacan, nagtataka nga ako bakit ang Bulacan wala," hinaing ni Tess Carnales.

Kung ayaw naman pumila sa NFA rice at naghahanap ng alternatibo, maaaring subukan ang corn grit sa mas mababang halaga.

"Okay naman siya. Mabigat sa tiyan, masarap din parang kanin," ani Lizel Sadiwa, kumakain ng corn grit.

Ayon sa nutritionist, maganda naman daw na alternatibo ang corn grits dahil mayaman ito sa fiber at protina, pero hinay-hinay din dahil mataas din ang fat nito.
 
“Magandang alternative pero hinay-hinay din kasi puwedeng maging overweight at ingat din kasi mataas ang cholesterol,” ani Giselle Goltiao, nutritionist dietician. 

MGA MAGSASAKA SA BENGUET NALUGI SA HABAGAT

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, sinusubukan ng mga vegetable farmer sa Benguet na makabawi sa pinsalang iniwan ng habagat.
    
Pero dahil kapos sa suplay, mataas na ang presyo ng gulay nila.
    
Nagkukumahog ngayon ang mga magsasaka para mabawi ang P73.7 milyon na halaga ng pagkasira sa agrikultura sa probinsiya.

Umaasa ang mga magsasaka na magtutuloy-tuloy na ang maayos na lagay ng panahon para makabawi sa kanilang pagkalugi.

Oras din daw na makakuha sila ng pondo mula sa state of calamity fund, ipaprayoridad nila ang pagbili sa mga pamprotekta ng gulay tulad ng plastic tunnel.

Sa mga tanim, pinakamatinding nasalanta ang taniman ng lettuce.

"Kung malakas 'yung ulan, masisira itong dahon. Hindi gaya ng repolyo na makapal 'yung dahon. Manipis kasi ito, parang petchay din," ani Celia Tinioso.

Presyo ng mga lettuce sa La Trinidad:

  • Romaine → P450/kilo mula sa dating P100-P120
  • Iceberg → P230/kilo mula sa dating P100-P120 
  • Green ice → P300-P350 mula sa dating P35-P60 

Bukod sa letsugas, bahagyang tumaas din ang presyo ng iba pang gulay sa La Trinidad trading post pero mas mura pa rin ito kaysa sa presyo sa palengke.

Sa Baguio public market pa lang, halos doble ang presyo ng gulay.

Pero sa Laoag City, mura ang presyo ng ilang gulay dahil lahat kasi ng mga ito ay locally-produced.

Paliwanag ng Department of Agriculture, wala silang kontrol sa presyuhan ng gulay at sa kanilang monitoring, katanggap-tanggap pa rin naman ang presyo ng mga ito. —Ulat nina Kori Quintos at Justin Aguilar, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.