Bawas-singil sa kuryente asahan sa September bill: Meralco

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2019 03:07 PM | Updated as of Sep 05 2019 08:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Inaasahang magkakaroon ng bawas sa singil ng kuryente ang Meralco ngayong Seytembre, sabi ngayong Huwebes ng tagapagsalita ng kompanya.

Sakaling matuloy, iyon na ang ikalimang sunod na buwang may bawas-singil sa kuryente ang Meralco.

Maglalaro sa P0.15 hanggang P0.20 kada kilowatt hour ang bawas sa September bill, ayon kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga.

Ayon kay Larry Fernandez, head ng utility economics ng Meralco, muling magkakaroon ng bawas-singil dahil maayos ang suplay ng kuryente.

Pasok din umano sa September bill ang refund na iniutos ng Energy Regulatory Commission kaugnay ng sobrang nasingil sa mga konsumer.

Sa Lunes iaanunsiyo ng Meralco ang pinal na galaw sa singil sa kuryente, ani Zaldarriaga.

ROLLBACK SA PETROLYO, INAASAHAN DIN

Bukod sa kuryente, inaasahan ding bababa ang presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo, base sa galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Mula Lunes hanggang Miyerkoles, P1 kada litro ang iminura ng presyo ng gasolina, at P0.50 kada litro sa diesel at kerosene.

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.