ALAMIN: Bakit isinusulong ng Meralco ang paglalagay ng 'smart meter'?

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2020 05:32 PM


MANILA - Isinusulong ng Meralco ang pagpapalit ng kasalukuyang metro sa "smart meters" kung saan makikita agad ang aktwal na konsumo imbis na hintayin pa ang taga-basa ng metro para makita kung magkano ang sisingiilin sa konsumer kada buwan. 

Giit ng Meralco, hindi mangyayari ang bill shock o biglaang pagtaas ng Meralco bill na naranasan ng ilan nang isailalim sa mahigpit na lockdown ang Metro Manila mula Mayo hanggang Hunyo. 

Paliwanag nila, makikita na agad ang aktwal na konsumo. 

"Maiiwasan 'yong mga instances na kailangan mong mag-estimate kasi 'di na kinakailangan ng manual reading ng meter reader 'pag naka-smart meter,” paliwanag ni Meralco spokesman Joe Zaldarriaga. 

Taong 2017 pa nag-apply sa Energy Regulatory Commission ang Meralco para kabitan ng smart meters ang nasa 1 milyong kustomer. 

Ayon sa Meralco, walang babayaran ang customer sa pagpapakabit ng smart meter sakaling maaprubahan ito. 

Pero pinag-aaralan pa ng ERC ang panukala dahil nabatid na sa consumer din pala ipapasa ang halaga ng metro. 

Paliwanag ni ERC Commissioner Rexie Baldo-Digal, babawiin din kasi ng Meralco ang singil sa distribution charge pati na ang mga imprastraktura at mga gamit na kailangan para gumana ang mga smart meter, kahit na sabihin pang libre ito. 

Aabot sa 100,000 prepaid users ng Meralco ang gumagamit ng "smart meter," ayon sa Meralco. 

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.