Laang tubig mula dam para sa Maynilad, Manila Water nadagdagan

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2019 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nadagdagan na ang alokasyon ng tubig ng Maynilad at Manila Water mula Angat Dam pero mananatiling mahina ang water pressure, ayon sa pinuno ng National Water Resources Board (NWRB).

Simula Setyembre, itinaas sa 40 cubic meters per second mula sa dating 36 cubic meters ang alokasyon ng 2 water concessionaire dahil sa pagtaas ng antas ng tubig sa Angat Dam.

Pero hindi pa rin umano puwedeng ibalik sa normal ang alokasyon ng 2 water concessionaire.

"Kung mag-i-improve this month, by October tingnan natin kung magkakaroon ulit ng mga adjustment," ani NWRB Executive Director Sevillo David.

Magugunitang ibinaba ang alokasyon ng tubig dahil sa pagkaunti ng tubig na nakaimbak sa Angat Dam.

Pero hindi raw tataasan ang pressure ng tubig para lalong matipid ang suplay ng tubig at mapagkasya hanggang sa susunod na taon.

Bunsod nito, maaaring mahina o hindi talaga abot ang tubig sa mga matataas na palapag ng mga bahay o gusali. 

"Mabuti na ito kaysa doon sa totally mawala uli ang water service sa mga bahay," ani Manila Water spokesperson Dittie Galang.

Pinaghahandaan ng mga opisyal ang sitwasyon sa susunod na tag-init para maiwasang muling magkaroon ng krisis sa tubig.

Wala pa kasing bagong mapagkukuhanan ng suplay ng tubig sa 2020 bukod sa Angat Dam at Laguna Lake.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.