PatrolPH

Taas-singil sa tubig, nakaamba; 'maaaring magsimula sa Oktubre'

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2018 08:26 PM

Pagtaas sa singil ng tubig, magsisimula sa Oktubre

Watch more on iWantTFC

Nasa P7.30 kada cubic meter ang papayagang maging dagdag-singil ng Manila Water habang P6.95 kada cubic meter naman ang sa Maynilad, ayon sa mga impormante. 

Ayaw itong kompirmahin ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System-Regulatory Office (MWSS-RO), pero tiniyak ng ahensiya na uutay-utayin naman ito sa loob ng apat na taon, na magsisimula sa Oktubre kapag naaprubahan.

Ipepresenta ngayong linggo ng MWSS-RO sa publiko ang rekomendasyon nilang dagdag-singil sa tubig ng mga concessionaire na Manila Water at Maynilad.

Magdaraos ang MWSS-RO ng public consultation sa Miyerkoles sa Cainta Elementary School sa Cainta, Rizal para sa hirit na dagdag-singil ng Manila Water, habang sa Biyernes naman ang konsultasyon ng Maynilad sa Imus Sports Complex sa Cavite.

"'Pag pinapa-delay lang natin ang increase, palaki ng palaki po ang pagtataas," ani Patrick Ty, chief regulator ng MWSS.

"The smallest increase will be done by October and it's going to be a bigger increase by 2020 and 2021," dagdag ni Ty.

Mas maliit ang inirekomendang rate adjustment ng MWSS-RO kumpara sa hirit ng dalawang kompanya dahil hindi nila isinali rito ang corporate income tax at ilang proyekto ng dalawa.

Nasa P11 kada cubic meter ang hirit ng Maynilad habang P8.30 kada cubic meter naman sa Manila Water.

Nagbabala rin si Ty na may negatibong epekto sa mga konsumer kung hindi papayagan ang dagdag-singil sa tubig.

"May chance po na magkaka-interruption po sa service delivery ng ating concessionaires," aniya.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.