Opisina ng oil firm, sinugod ng Piston; bawas-presyo, ipinanawagan

ABS-CBN News

Posted at Sep 04 2018 09:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinugod nitong Martes ng transport group na Piston ang main office ng isang kompanya ng langis sa Makati upang manawagan ng bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Naging epektibo nitong Martes ang P1.20 dagdag ng mga kompanya ng langis sa kada litro ng kanilang diesel.

Ayon kay Piston national president George San Mateo, may nangyayaring "overpricing" o sobrang mahal na paniningil sa petrolyo.

"May overpricing na P1 to P2 batay sa naging paggalaw ng petrolyo sa world market," ani San Mateo.

Idiniin ng transport group na bawas-presyo ang kailangan sa halip na magpatupad ng dagdag-pasahe o pamamahagi ng mga fuel voucher upang makaagapay sa taas-presyo ng langis.

Para naman sa ibang tsuper at operator ng jeep, hindi na kailangang sumama pa sa kilos-protesta para makumbinsi sa epekto ng pagmahal ng langis.

Isa rito si Leon Pactol na nagsisimulang pumasada alas-5 ng madaling araw at natatapos ng alas-12 ng hatinggabi.

Minsan ay nagdududa umano ang kaniyang misis na si Ping dahil sa liit ng inuuwing kita at tagal ng pamamasada.

"Iniisip ko wala namang bisyo, baka kung ano, nambabae. Pero iniisip ko naman, siyempre, sinasabi niya mahal nga ang diesel," ani Ping.

Ang masaklap pa rito ay pinaaalis na rin sila sa tinutuluyan nilang bahay dahil gagamitin na umano ito ng may-ari.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, lalo pang dadagdagan ni Pacol ang tatlo o apat na ikot niyang biyahe.

"Kung walang kinakain, lalo kang mamatay," ani Pactol.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.