Grupo nagbabala sa posibleng P16/cubic meter dagdag-singil sa tubig

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2019 08:24 PM

Watch more in iWantTFC

Posible umanong tumaas ang singil sa tubig kapag pinilit ng Maynilad at Manila Water na tapusin ang sewerage projects sa Metro Manila sa loob ng 5 taon sa halip na hanggang 2037 kasunod ng desisyong inilabas ng Korte Suprema noong nakaraang buwan.

Ayon sa grupong Citizen Watch, maaaring tumaas ng P12 hanggang P16 kada cubic meter ang singil sa tubig kung ipipilit na agad kumpletuhin ang sewerage system ng 2 water concessionaire.

"It's inevitable. Pero sana ganoon, up to 2037, hindi iyong ngayon, within the next 5 years... biglang lahat, most probably, icha-charge sa 'tin ng concessionaire 'yan," ani Citizen Watch convenor Teofilo Abejo.

Sa datos ng grupo, halos P600 bilyon ang pondo ng 2 concessionaire para kumpletuhin ang sewerage system sa buong Metro Manila.

Kinumpirma ng regulator na Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang taas-singil kapag pinilit na matapos agad ang mga proyekto.

"If pinapa-fast track po 'yan ng Supreme Court at kailangan nilang gawin 'yan, puwede po silang mag-request ng tariff adjustment by 2022 or during the next rate rebasing," ani MWSS chief regulator Patrick Ty.

Ibig sabihin, hindi naman ora-oradang tataas ang singil dahil kailangan munang matapos ang kasalukuyang rate rebasing period hanggang 2023. 

Noong nakaraang buwan, pinagmulta ng Korte Suprema ang Manila Water, Maynilad, at MWSS dahil sa paglabag sa Philippine Clean Water Act bunsod ng kabiguang gumawa ng sewage lines at sewage treatment facilities na konektado sa mga bahay at establisimyento.

Samantala, ipinakita naman sa mga residente ng Marikina at mga karatig-bayan ang magiging dagdag-singil sa bagong pinagmumulan ng tubig ng Manila Water.

Nasa P1.37 hanggang P1.40 kada cubic ang nakikitang dagdag-singil para sa Calawis-Wawa water project, na magdadagdag ng paunang 80 milyon litro kada araw sa taong 2021.

"Pinag-aaralan pa namin ito. Ang impact pa nito ay [sa] 2023 po at the earliest," ani Ty.

Ayon kay Manila Water spokesperson Jeric Sevilla, talagang kailangan nila ng dagdag na pagkukuhanan ng tubig dahil sa lumalaking pangangailangan.

"Maaaring magkaroon ng impact sa tariff pero dahil kailangan naman talaga natin ng supply, hindi lamang ngayon kundi para sa future," ani Sevilla.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.