PatrolPH

Oposisyon, may panukala kontra pagtataas ng presyo ng mga bilihin

ABS-CBN News

Posted at Sep 03 2018 05:28 PM | Updated as of Sep 03 2018 07:12 PM

Oposisyon, may panukala kontra pagtataas ng presyo ng mga bilihin 1
Si Vice President Leni Robredo (gitna) kasama sina (mula kaliwa) Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Bam Aquino, Rep. Miro Quimbo at Rep. Jose Christopher Belmonte sa press conference sa Quezon City nitong Lunes. George Calvelo, ABS CBN News

Iminungkahi ni Vice President Leni Robredo at ng ilang mambabatas mula sa kinabibilangan niyang Liberal Party (LP) ang suspensiyon ng ilang probisyon ng TRAIN law, at ang pagbabago sa pamunuan ng National Food Authority (NFA) para maibsan ang epekto ng inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Dapat suspendehin ang pagtaas sa buwis na ipinapataw sa krudo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN law, sabi ni Robredo sa isang press briefing nitong Lunes.

Watch more on iWantTFC

Ayon pa kay Robredo, dapat ding suriin kung nakatutulong ba ang unconditional cash transfer program sa pag-agapay sa mga mahihirap sa TRAIN.

"Inamin ng DOF (Department of Finance) na hindi nila inaasahan ang ganitong pagtataas. Panahon na para tingnan muli ang kung nararapat pa rin ba ang buwis sa krudo at kung sapat pa ba ang P200 a month na UCT (unconditional cash transfer) o kung kailangang itaas ito," ani Robredo.

Nais naman ni Sen. Francis Pangilinan, pangulo ng LP, na magbitiw sa puwesto si NFA Administrator Jason Aquino.

Dapat ding gumawa ang pangulo ng emergency task force na bubuoin ng mga economic manager, ani Pangilinan.

"Sila na magbalangkas ng next steps sa rice procurement, importation ba 'to, baguhin itong direksiyon na palpak na administrasyon under NFA Administrator Aquino," ani Pangilinan.

Patuloy na nararanasan sa iba-ibang panig ng bansa ang kakulangan sa suplay ng murang bigas ng NFA, partikular sa Zamboanga City, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi (Zambasulta). Dahil kaunti ang murang bigas, patuloy namang tumataas ang presyo ng commercial rice. 

Inireklamo rin noong nakaraang linggo ng isang grupo sa Ombudsman ang dalawang opisyal ng NFA, kabilang si Aquino, dahil sa paglilihis umano ng pondo ng ahensiya na pambili dapat ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka.

Dagdag pa ng mga mambabatas ng LP, makatutulong sa pagkontrol ng inflation ang "Bawas Presyo" bill ni inihain sa Senado ni Sen. Bam Aquino, at ni Marikina Rep. Miro Quimbo sa Kamara.

Layon ng panukalang batas na suspendihin ang excise tax o buwis na ipinapataw sa langis.

"Kailangan na mag-decide ngayon kung papayagan mag-increase uli. Sana po itong batas na ito, maybe right now hindi pinapansin ng administration, taumbayan na ang nagsasabi na certified urgent na po ito," ani Aquino.

"Hindi tayo tumutuligsa, humahanap tayo ng konkretong solusyon. Majority, minority, this is all intended to make prices of basic commodities more affordable [lahat ito ay nais gawing abot-kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin]," ani Quimbo. --Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.