DTI sinilip ang 'health protocols' ng ilang negosyo sa mga mall

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2020 04:37 PM | Updated as of Sep 02 2020 06:51 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Ininspeksiyon ng Department of Trade and Industry ang health protocols ng ilang mga negosyong kamakailan lang pinayagang magbukas.

Isang establisimyentong nag-aalok ng pet grooming ang unang binisita ng mga taga-DTI sa Market! Market! Mall sa Taguig.

Sinilip din ng ahensiya ang ilang salon na ngayon ay pinayagan na ulit magsagawa ng ibang serbisyo bukod sa paggupit ng buhok.

Ayon kay Mylene Dacpano, supervisor ng isang salon, mahigpit nilang pinag-fi-fill up ng health declaration at contact tracing form ang lahat ng customer.

Kung hindi mag-fill out ng form ay hindi pinapapasok sa salon ang customer, ani Dacpano.

Sa isa namang nail salon, nakasuot ng personal protective equipment ang mga manggagawa.

Pero matumal ang dating ng customer kahit pa-tanghali na. Ayon sa assistant manager na si Mira Cenon ay dahil sa takot ng publiko na lumabas ng mga bahay bunsod ng banta ng COVID-19.

Dinaanan din ng DTI ang isang fitness center sa SM Aura, kung saan kailangan munang magpa-book online bago makapag-workout.

Nililinis ng mga tauhan ng fitness center ang equipment at pasilidad kada tapos ng workout ng customer.

Masaya ang customer na si David Palma na makabalik sa gym dahil ngayon lang ulit siya nakapag-workout mula nang mag-lockdown noong Marso.

Dumayo naman si Nieva Tarala mula Pasig para makapag-ehersisyo dahil sarado ang mga gym sa kanila.

Dahil bawal pang mag-group exercise sa mismong gym, sa Zoom na lang idinaan ng instructor na si Jezonne Oblenida ang sayawan, na nilahukan ng 20 katao.

Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, kontento naman sila sa health protocols.

Umapela naman si Castelo sa mga customer na ibigay ang kumpletong impormasyon sa mga declaration form.

Muling nagbukas ang ilang industriya gaya ng gyms at personal grooming centers sa Metro Manila nitong Setyembre 1 kasabay ng pagpapatupad ng bagong quarantine classifications sa bansa. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.