Dagdag-presyo sa ilang produktong de-lata inihirit

ABS-CBN News

Posted at Sep 02 2019 07:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humirit ng dagdag-presyo sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga manufacturer ng ilang produktong de-lata, ayon sa opisyal ng kagawaran. 

Dedesisyunan ng DTI ang hirit ng mga manufacturer bago matapos ang Setyembre, sabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo sa gitna ng pagsuyod ng DTI at Department of Agriculture (DA) officials sa mga palengke at supermarket para suriin ang presyo ng mga bilihin.

"May pending requests sa atin na kailangan na nating aksiyonan, ilang produkto," ani Castelo.

Samantala, ilalabas naman daw ng DTI sa Oktubre ang suggested retail price ng mga produktong pang-Noche Buena.

Wala pa naman daw sa mga manufacturer ng mga produktong pang-Noche Buena ang humihirit ng dagdag-presyo sa ahensiya.

PRESYO NG BIGAS MAY IBABABA PA

Sa pagsuyod ng mga opisyal ng DTI at DA, una nilang pinunterya ang bigas sa Quinta Market sa Maynila.

Nasa P35 ang pinakamurang commercial rice habang P27 naman ang NFA (National Food Authority) rice.

Ayon kay Castelo, may ibababa pa ang presyo ng bigas.

"Hinihintay natin 'yong kasagsagan ng epekto ng rice tariffication law para bumaba pa 'yong bigas," ani Castelo.

Wala rin namang nakitang problema ang mga opisyal sa presyuhan ng baboy at manok.

Ayon naman sa mga nagtitinda ng baboy at manok, posibleng tumaas ang presyo ng mga produkto habang papalapit ang Disyembre. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.