Inilabas na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang panibagong suggested retail price (SRP) ng mga pangunahing bilihin, kung saan tumaas nang hanggang halos P22 ang presyo ng kandila at hanggang P3 ang mga pampalasa.
Ayon sa DTI, ito ang mga itinaas ng presyo ng mga produkto sa bagong SRP:
- Kandila - P5.75-P21.75
- Patis - P1.25-P3.10 (Bottle)
- Patis - P0.60-P1.25 (Refill)
- Soy sauce - P1.10-P2.15 (Bottle)
- Soy sauce - P0.55-P0.80 (Refill)
- Iodized rock salt - P0.90-P2.85
- Iodized salt - P0.20-P2.20
- Corned beef - P0.75-P2.75
- Canned sardines - P0.50-P0.75
- Condensada - P0.50-P1.25
- Evaporada - P0.25-P1.00
- Powdered milk - P0.50-P1.35
- Coffee refill - P0.30-P0.60
- Coffee 3-in-1 Original - P0.15-P0.50
- Noodles - P0.25
- Detergent - P0.50-P1
- Luncheon meat - P1.75
- Meat loaf - P0.45-P1.50
- Beef loaf - P0.55-P1.50
- Vinegar - P1.05-P1.80 (Bottle)
- Vinegar - P0.45-P0.50 (Refill)
- Toilet soap - P1.50
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, mataas ang price increase ng ilang produkto dahil matagal na rin bago ang huling hiling ng taas-presyo ng kanilang manufacturer.
"Ito pa 'yong mga noong araw pa na presyo, 4, 5 years ago pa. Ngayon lang sila nag-request ng increase," aniya.
Pagmahal ng presyo ng raw materials ang pangunahing dahilan ng paghiling ng mga manufacturer ng taas-presyo.
Pero ayon sa DTI, hindi nila pinayagan ang ilang hiling matapos magsagawa ng sariling pag-aaral sa presyo ng raw materials at mga sangkap.
Noong Setyembre 2019 pa huling pinayagan ang mga manufacturer na magtaas ng presyo.
"'Di na kaya ng manufacturer na hindi pa magtaas ng presyo because of the rising cost of materials pati packaging niya. And it’s not just in the Philippines, it’s global, 'yong presyo na nagtataas," paliwanag ni Castelo.
Epektibo na ang mga bagong SRP pero bibigyan ng ilang araw ang mga supermarket at retailer na mag-update ng kanilang price tag.
Mag-iikot rin ang DTI para matiyak na nasusunod ang SRP.
Ayon naman kay Philippine Amalgamated Supermarkets Association President Steven Cua, sana ay nakonsulta muna sila sa bagong SRP.
May ilan kasing produkto na mas mataas ang gastos ng mga supermarket kompara sa SRP. Ibig sabihin, humina rin ang kita.
"Baligtad eh, na-issue na... and then kami, saka kami naghahabol na paano ba nakuwenta 'to?" ani Cua.
Binatikos naman ng Laban Konsyumer ang paglabas ng panibagong SRP.
Hindi raw napapanahon ang bagong presyo dahil hindi pa natatapos ang pandemya at maaari pang lumala ang inflation dahil dito.
— Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.