PatrolPH

NFA rice sa ilang lalawigan, limitado pa rin

ABS-CBN News

Posted at Aug 30 2018 08:31 PM

Limitado pa rin ang suplay ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa ilang lalawigan habang patuloy na hinihintay ang pahintulot na madiskarga ang mga inangkat na bigas na ginamot matapos makitaan ng mga insektong bukbok.

Sa Pampanga, halimbawa, idinadaing ng rice dealer na si Raymond Escoto ang lilimang sako ng NFA rice na ibinibigay sa kaniya ng NFA.

Dahil kulang sa NFA rice at mahal naman ang commercial rice sa Pampanga, pinili na lang ng rice retailer na si Christopher Chua na bumili ng bigas sa karatig-lalawigan na Nueva Ecija dahil mas mura umano roon.

Nilinaw naman ng NFA-Pampanga na maraming stock ng bigas pero hindi pa naibababa mula sa barko sa Subic port dahil hindi pa tapos isailalim sa fumigation o pagpapausok ng gamot upang mapuksa ang mga bukbok.

May 4,000 sako ng NFA rice na lang ang nasa warehouse ng NFA sa Pampanga na sasapat na lang sa loob ng apat hanggang limang araw.

Sa Camarines Sur naman, nanindigan ang NFA na sapat pa ang kanilang bigas hanggang sa susunod na linggo.

Inaasahan na rin ng Camarines Sur na darating na ang inangkat na bigas mula Thailand na ibiniyahe sa Tabaco port, Albay.

Magugunitang naantala ang pagdiskarga sa mga sako ng bigas sa Tabaco port matapos ding makitaan ng mga bukbok at isailalim sa fumigation.

Nakarating na rin sa Albay ang isa pang barkong may dalang NFA rice.

Sapat din daw ang suplay ng bigas sa Ilocos Norte pero aminado ang NFA na mas tinatangkilik ang commercial rice.

Tatagal naman ang NFA rice sa Iloilo hanggang Oktubre, kung kailan naman magsisimula ang anihan.

Sa Dipolog City, paubos na ang suplay ng NFA rice pero wala umanong dapat ikabahala dahil 400 sako ng bigas ang dumadating sa warehouse ng NFA kada araw. 

--Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.