PatrolPH

Presyo ng bangus bumaba pero inaasahang sisipa sa mga susunod na araw

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2022 04:17 PM | Updated as of Aug 29 2022 08:05 PM

Watch more News on iWantTFC

Bumaba ang presyo ng bangus sa mga pamilihan sa Metro Manila, base sa pagbabantay ng Department of Agriculture (DA), pero inaasahang tataas ang presyo ng isda sa mga susunod na araw.

Base sa price monitoring ng DA, P170 na lang ang kada kilo ng bangus, mas mababa nang P5 kompara sa P175 noong nakaraang linggo.

Sa Mega Q Mart sa Quezon City, naglalaro sa P120 hanggang P170 ang presyo ng bangus kada kilo, depende sa laki.

Ayon sa tinderong si Lino Abarra, may mga nagbaba ng presyo ngayon dahil matumal ang bentahan.

Mabigat kasi umano sa bulsa ng mga suki ni Abarra ang presyp kaya pinili muna niyang maliliit na klase ng bangus ang ibenta.

"Maliit lang pero mura. Mahal 'pag malaki. Kasi ang maliit, puwede ibenta sa mga restaurant," ani Abarra.

Wala namang paggalaw sa presyo ng tilapia na nasa P120 kada kilo pati sa galunggong na P240 kada kilo.

Pero asahan umano ang pagtaas ng presyo ng isda dahil nababawasan ang huli tuwing malamig na panahon.

Salik din sa inaasahang taas-presyo ang big-time oil price hike na makakaapekto sa production cost ng mga mangingisda.

Muling nanawagan ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) na madaliin ng gobyerno ang pamamahagi ng fuel subsidy.

Base rin sa price monitoring ng DA, wala ring paggalaw sa mga susunod na bilihin:
Baka - P360 hanggang P380 kada kilo
Baboy - P255 hanggang P300 kada kilo
Manok - P200 kada kilo

Sa asukal, hindi pa rin bumababa sa P100 ang kada kilo ng refined sugar habang P70 ang kada kilo ng brown sugar, ayon sa DA.

— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.