PatrolPH

'Singil sa kuryente, mas mahal noong 2012 kaysa nitong Agosto'

ABS-CBN News

Posted at Aug 28 2018 08:28 PM

Watch more on iWantTFC

Mas mababa ang singil sa kuryente nitong Agosto kumpara sa singil sa kuryente noong Enero 2012, ayon sa Manila Electric Company (Meralco).

Inamin ng Meralco na nagkaroon talaga ng pagtaas sa singil ng kuryente nitong Agosto 2018 kumpara sa singil noong Disyembre 2017.

Nasa P10.22 kada kilowatt hour (kWh) ang singil ng Meralco nitong Agosto sa mga kabahayang kumokonsumo ng 200 kWh, mas mataas kumpara sa P9.25 kada kWh noong Disyembre.

Pero mas mababa na raw ang singil nitong Agosto kung ihahambing sa singil noong Enero 2012, na nasa P10.67 kada kWh.

Kung tutuusin daw, pati ang distribution charge na napupunta sa kaban ng Meralco, bumaba pa ngayon sa P1.96 kada kWh kumpara noong Enero 2012 na nasa P2.06 kada kWh.

Ayon sa Meralco, ang tumaas na mga bahagi ng electricity bill ay ang generation charge, buwis, at feed-in-tariff.

"Naisin mo man bilang distribution utility na magkaroon ka ng full control over the various cost components, ang maaari mo lang talagang, magkaroon ka ng full and total control is doon sa distribution charge na hindi nga nagbago," ani Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga.

Kinondena nitong Martes ng ilang grupo ang anila'y tumataas na singil ng kuryente sa gitna ng pagmahal ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Nagtipon-tipon ang mga demonstrador sa tapat ng sangay ng Meralco sa Kamuning, Quezon City para idaos ang kanilang protesta.

Ang ilan sa mga demonstrador ay humiga pa sa bangketa.

Nagbanta rin ang mga demonstrador na dadalasan nila ang pagdaraos ng protesta sa iba pang sangay ng Meralco.

"Hindi na kami satisfied sa serbisyo at mahal ng kuryenteng ipinapataw lagi ng Meralco," ani Erwin Puhawan, national coordinator ng Power for People Coalition.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.