Multa sa Meralco 'bill shock' dapat sa mga konsumer mapunta: grupo

ABS-CBN News

Posted at Aug 27 2020 04:19 PM

Iginiit ng isang consumer group na sa mga naperwisyong kostumer, at hindi sa gobyerno, dapat mapunta ang multang sisingilin ng Energy Regulatory Commission sa Meralco.

Inihayag ngayong Huwebes ng ERC na pinagmumulta nito nang P19 milyon ang Meralco dahil sa kalituhang idinulot ng estimated billing at installment payment noong mga nakalipas na buwan.

Para kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, dapat konsumer ang makinabang sa multa sa Meralco dahil sila ang nagdusa sa bill shock.

"Gumawa po ng paraan ang ERC na papaano ipapasa sa konsumer iyong imumulta kay Meralco," ani Dimagiba sa panayam.

Pero ayon kay ERC Commissioner Agnes Devanadera, sa gobyerno talaga napupunta ang multa, na maaari namang gamitin sa ikabubuti ng publiko.

Sa pagpaliwanag ng multang ipinataw sa Meralco, sinabi ni Devanadera na ang kapabayaan ng Meralco ay nakagulo at nakalito sa mga konsumer, at umani ng sangkaterbang reklamo.

Bukod sa multa, inatasan din ng ERC ang Meralco na ilibre sa susunod na buwan ang distribution, supply, at metering charge ng lifeline users o iyong mga kumokonsumo ng hanggang 100 kilowatt hours kada buwan.

Pag-aaralan naman umano ng Meralco ang order bago gumawa ng hakbang.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.