MAYNILA - Pagmumultahin ng Energy Regulatory Commission ang Meralco dahil sa kalituhang idinulot ng "bill shock" o paglobo ng bayarin sa kuryente noong kasagsagan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay ERC Chairperson Agnes Devanadera, bigo ang Meralco na linawin ang estimated bills noong Abril at Mayo.
"Isa 'yan na na-violate, hindi napaliwanag nang husto at hindi na-reflect... doon sa electric bill ng Meralco nang malinaw na malinaw, na iyon ay estimate," ani Devanadera.
Late na rin daw nilinaw ng Meralco ang utay-utay o installment payment scheme kahit dati na itong iniutos ng ERC.
Bukod sa multa, aatasan din ng komisyon ang Meralco na magbigay ng dagdag na diskuwento sa mga lifeline user o iyong mga kumokonsumo ng hanggang 100 kilowatt hours ng kuryente kada buwan.
"Dahil sa kaguluhan sa kaisipan ng mga tao lalo ngayong panahon ng pandemya, 'yan ay naging batayan ng ERC ng pagpapataw ng fine," ani Devanadera.
Ipinaliwanag din ni Devanadera kung bakit lifeline users lang ang mabibigyan ng diskuwento.
"Kahit tayo naabala, hindi tayo kasinghirap ng katayuan ng lifeliners. So ang tawag nga doon ay targeted beneficiaries," aniya.
Ayon naman kay Meralco Spokesperson Joe Zaldarriaga, hihintayin muna nila ang opisyal na kopya ng desisyon ng ERC.
"Ia-assess namin 'yong next steps from there," ani Zaldarriaga.
Ayon kay Devanadera, pinaplantsa pa ang halaga ng multa at ang dagdag-benepisyo ng lifeline customers bago isapubliko ang desisyon ngayong linggo. -- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Energy Regulatory Commission, Meralco, konsumer, kuryente, bill shock, lifeline users, TV Patrol, Alvin Elchico